Martes, Marso 30, 2010

Pasyon ng Manggagawa't Maralita

PASYON NG MANGGAGAWA’T MARALITA
ni greg bituin jr.
8 pantig bawat taludtod

(ito'y nakatakdang basahin sa gaganaping Pasyon ng Manggagawa't Maralita sa Welcome Rotunda, Marso 31, 2010)

ang gumagawa ng yaman
laging pinahihirapan
ng naghaharing iilan
namumuno sa lipunan
ay pawang mga gahaman

lagi nang nasa kalbaryo
ang buhay nitong obrero
kayod doon, kayod dito
kaybaba pa rin ng sweldo
sadyang hirap silang todo

ngayon, sa ating lipunan
kapitalista'y gahaman
sa salapi at puhunan
kanila ang pakinabang
sa obrero'y laging kulang

sa mga kapitalista
pawang tubo itong una
walang pakialam sila
sa mga obrero nila
kahit na ito'y magdusa

ang uring kapitalista
ay talagang walang kwenta
sariling interes nila
ang palaging nangunguna
sadyang kaysisiba nila

ang kawawang manggagawa
kanilang lakas-paggawa
di mabayaran ng tama
pulos sila dusa't luha
manggagawa silang dukha

kontraktwalisasyon, salot
ang kapitalista'y salot
sila nama'y isang dakot
ngunit sila ang kilabot
halina at makisangkot

mga ganid ay ibagsak
na sa tubo'y tambak-tambak
at pagapangin sa lusak
ang kapitalistang tunggak
silang pawang mapanghamak

magkaisa, manggagawa
saanmang sulok ng bansa
sa inyo ang mawawala
ay ang pagkatanikala
ng inyong lakas-paggawa

magkaisa na, obrero
itayo ang sosyalismo
na sadyang lipunan ninyo
sistemang kapitalismo
ay palitan nang totoo

Hindi tayo dapat magdamit ng basahan

HINDI TAYO DAPAT MAGDAMIT NG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't pag-aralan natin ang lipunan
kung bakit may mahirap at mayaman
kung bakit may hari at pinaghaharian
kung bakit may amo at pinangangamuhan

maraming maralita ang nagkakasakit
maraming manggagawa'y patuloy na gipit
kapitalistang sistema'y sadyang kaylupit
at kayraming masa na basahan ang damit

bakit nakararami ang nahihirapan
bakit pulubi'y naglipana sa lansangan
bakit ang manggagawa'y aliping sahuran
bakit kayraming nagdadamit ng basahan

tayong lahat dito sa bansa'y mamamayan
kaya tayong lahat dito'y may karapatan
hindi tayo dapat magdamit ng basahan
pagkat tayo'y may dignidad at karangalan

Walumpu't Dalawang Tauhan

WALUMPU'T DALAWANG TAUHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“I began revolution with 82 men. If I had to do it again, I do it with 10 or 15 and absolute faith. It does not matter how small you are if you have faith and plan of action.” - Fidel Castro

i.

"tanging walumpu't dalawang tauhan lamang
at sinimulan na namin ang himagsikan

kung rebolusyong ito'y uulitin ko pa
gagawin kahit na sampu o labinlima

kasama ang absolutong sampalataya
na ang bulok na lipunan ay magigiba

marami man o kaunti ang nagrerebo
ay maaari pa ring magtagumpay tayo

kung may sampalataya sa mga kasama
at may plano ng aksyon sa pakikibaka"

ii.

itong tinuran ni kasamang Fidel Castro
ay aral sa mga aktibistang tulad ko

paano bang baguhin ang lipunang bulok
ang lipunan muna'y dapat nating maarok

kaya aralin ang pasikut-sikot nito
upang mailapat natin ang tamang plano

ang bawat kasama'y dapat nagkakaisa
laging may tiwala sa kakayahan nila

walang iwanan hanggang maipanalo
ang ating rebolusyon tungong sosyalismo

Misyon ng Obrero

MISYON NG OBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

rebolusyonaryo
ang mga obrero
dudurugin nito
ang kapitalismo
itatayo nito
ang sistemang bago
at ipapanalo
yaong sosyalismo
sa lipunang ito
ay kasama tayo

Lunes, Marso 29, 2010

Nasa kamay ng uring manggagawa

NASA KAMAY NG URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala sa kamay ng burgesya ang panalo
upang maibagsak itong kapitalismo
at lalong wala sa kamay ng mga trapo
na tuluyang masagip ang mga obrero

di rin sapat na hanggang unyunismo tayo
lalong wala sa ideyang nasyunalismo
sa demokrasya man o elektoralismo
ang ikababagsak nitong kapitalismo

nasa kamay ng milyong obrero sa mundo
upang ibagsak ang mga ganid sa tubo
pribadong pag-aari'y dapat maiguho
burgesya't elitista'y dapat maigupo

umpisahan sa makauring kamulatan
diyalektiko'y dapat nating pag-aralan
pati na ang kasaysayan ng tunggalian
ng mga uri dito sa ating lipunan

sina Marx at Engels na noo'y sinulat nga
obrero'y magkaisa sa lahat ng bansa
sa manggagawa ang tangi lang mawawala
ay ang kanilang mga gintong tanikala

kaya mga manggagawa, nasa kamay nyo
na sistemang bulok ay tuluyang mabago
magkapit-bisig na at magkaisa kayo
at itayo ang sariling lipunan ninyo

tanging pagbuwag sa pag-aaring pribado
at pagtatayo ng lipunang sosyalismo
ang ikaliligtas ng maraming tao
mula sa kahirapan at kapitalismo

Linggo, Marso 28, 2010

Mabuhay ka, Kasamang Hugo

MABUHAY KA, KASAMANG HUGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mabuhay ka, kasamang Hugo Chavez
imperyalismo'y nais mong matiris
upang maraming bayang nagtitiis

ay masagip sa dusa't karukhaang
dulot ng sistemang bulok sa bayan
at sa mamamayang nahihirapan

pagpupugay sa iyong sosyalismo
ng ikadalawampu't isang siglo
nagbigay ka ng pag-asa sa mundo

libreng pagpaospital sa maysakit
libreng edukasyon ang iyong giit
libreng pagkain din sa mga paslit

sosyalismo'y pinahusay mong sapat
upang makinabang ang nagsasalat
sosyalismo mo'y nakapagmumulat
kaya aming masasabi'y "Salamat!"

Huwebes, Marso 25, 2010

Maghihilom din ang sugat

MAGHIHILOM DIN ANG SUGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

maghihilom din ang sugat
ng puso kong naging tapat
sa iyo, o, aking pag-ibig
na nais kulungin sa bisig
mahal kita kaya sa muli
ako'y magbabakasakali
na sa paghilom nitong sugat
ay muling magiging tapat
ang puso kong umiibig
sa nais kong makaniig
ikaw iyon, habambuhay

Miyerkules, Marso 24, 2010

Ang Pagtanggap

ANG PAGTANGGAP
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

“If I accept you as you are, I will make you worse; however if I treat you as though you are what you are capable of becoming, I help you become that.” - Johann Wolfgang von Goethe

pag tinanggap kita kung sino ka
ginawa kitang mas masama pa
gayunman, kung kita'y itinuring
kung ano kayang dapat mong maging
nakatulong pa ako sa iyo
at baka matupad pa nga'y ito

iangat natin ang ating bayan
at huwag basta tanggapin lamang
kung ano ang ating nakagisnan
kundi pagsulong ang patunguhan
halina't ating pagsumikapang
magkaisa na at magtulungan

Nobyembre 23, 2009, Maguindanao masaker


NOBYEMBRE 23, 2009
Maguindanao masaker
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

higit tatlumpung mamamahayag ang pinaslang
pati pamilya ng karibal, mga sibilyan
ang pinaslang ng mga may kaluluwang halang
na siyang ipinanghilakbot ng sambayanan

iniwan nilang bangkay sa lambak na masukal
balak pang ilibing yaon ng mga pusakal
umalingasaw din ang baho ng mga hangal
nalaman ng bayan ang krimeng karumal-dumal

naiwang ebidensya sa lugar yaong backhoe
may malaking hukay nang libingan niyong tao
ang karumal-dumal na krimeng ito'y planado
upang burahin ang karibal dito sa mundo

katarungan ang hingi ng buong sambayanan
di lang ikulong, bitayin ang may kasalanan
lalo ang utak na mga kamay ay duguan
silang mga walang pagkatao't kahihiyan

Martes, Marso 23, 2010

Kung aalis sa kilusan

KUNG AALIS SA KILUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung ako'y aalis sa kilusan
tiyak may malalim na dahilan

maaaring ako na'y tuliro
dahil kaugnay sa pusong ito

kumilos akong inspirasyon na
ang isang magandang aktibista

di makaalis dahil sa dilag
na sa aking puso'y nagpapitlag

nawa dilag ay mapasaakin
at siya'y aking aasawahin

dalawa kaming magdedesisyon
kung patuloy pa sa aming layon

mahalaga'y magkasama kami
upang sa bukas ay di magsisi


Lunes, Marso 22, 2010

Buldozer sa Iskwater

BULDOZER SA ISKWATER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga dukha'y galit dahil may buldozer
na dumating na sa lugar nilang iskwater
sinimulan na nitong tungkabin ang pader
pakiramdam ng dalita, sila'y minarder

marapat nilang pigilin ang demolisyon
kundi'y mawawalan sila ng bahay ngayon
bukod sa walang naganap na negosasyon
ay wala ring inihahaing relokasyon

kaya sa galit ng maralita'y binato
ang buldoser pati nagpapaandar nito
dukha man sila ngunit lalabang totoo
at handang ipaglaban ang tahanang ito

Habambuhay ang Pakikibaka

HABAMBUHAY ANG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

“Revolution is a serious thing, the most serious thing about a revolutionary's life. When one commits oneself to the struggle, it must be for a lifetime.” - Angela Davis

bakit nga ba nais mong magrebolusyon
ang mga nasa poder pa'y hinahamon
bakit ba ayaw lang nating maging miron
bakit sistema'y gusto nating ibaon

bakit aagawin ang kapangyarihan
mula sa mapagsamantalang gahaman
bakit ba sila'y dapat nating labanan
tinatahak na'y landas ng kamatayan

pagkat pangarap natin ang pagbabago
kaya buhay nati'y tinalaga rito
nang niyakap natin ang prinsipyong ito
di tayo nagloloko, tayo'y seryoso

ang paghihimagsik laban sa sistema
ay di laro lang kundi pakikibaka
nakataya'y buhay ng bawat kasama
kaya habambuhay ang pakikibaka

Linggo, Marso 21, 2010

Bayani, Hindi Bandido, sina Macario Sakay

BAYANI, HINDI BANDIDO, SINA MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawa taludtod

bayani sina Lucio de Vega't Macario Sakay
kahit mga Kano'y magkasama silang binitay
sila'y mga tagapagtanggol ng bayang niluray
at ginahasa ng mga mananakop na tunay

taas-kamaong pagpupugay sa ating bayani
at sumagupa sa mga dayuhang mang-aapi
silang nakibaka upang bayan ay magsarili
upang lumaya tayo sa kuko ng dayong imbi

namuno si Sakay nang mamatay si Bonifacio
ipinagpatuloy ang Katipunan at prinsipyo
hanggang mga Kano'y itinuring silang bandido
at sila'y napalinlang sa isang lider-obrero

hindi sila mga bandido, sila'y nabitay man
mga bayani silang tunay at anak ng bayan
dapat lang kilanlin ang kanilang kabayanihan
taos-pusong pagpupugay ay ibigay ninuman

Sabado, Marso 20, 2010

Huwag Mong Ipagkait ang Iyong Ngiti

HUWAG MONG IPAGKAIT ANG IYONG NGITI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ikaw ang aking inspirasyon
ikaw ang aking kasiyahan
ikaw ang diyosa kong mahal
ikaw ang diwata kong banal

ipagkait mo na ang buwan
pati tala sa kalawakan
ipagkait mo na ang mundo
ngunit huwag ang iyong ngiti

pagkat ngiti mo'y aking langit
na sa puso ko'y kumakapit
ngunit kung ito'y ipagkait
dugo sa puso ko'y sisirit

Sasamahan kita sa iyong pagtanda

SASAMAHAN KITA SA IYONG PAGTANDA
(muli, kay Ms. M.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais kitang samahan sa iyong pagtanda
ikaw na hibik niring pusong lumuluha
mahal kita, ang puso ko'y sumusumpa
iisa ka lang, ito ang aking panata

sa pagtanda mo, akin kitang sasamahan
sa mga pagkilos, kailanman, saanman
sa anumang gawain, di kita iiwan
kahit makaharap natin si Kamatayan

Huwebes, Marso 18, 2010

Di Kami Mga Bayarang Raliyista

DI KAMI MGA BAYARANG RALIYISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ko ugali ang magbanta sa kung sino
ngunit namumuo ang poot sa dibdib ko
lalo't lagi silang nagtatanong magkano
ang sa mga rali'y kinikita ko't sweldo

wala kaming kinikita sa mga rali
kaya naririto, sa masa'y nagsisilbi
prinsipyong tangan ay di ipinagbibili
nakikibaka kaya sa rali kasali

ang rali ay isang pamamaraan namin
na maipahayag ang aming saloobin
hinggil sa mga isyu ng masa't hinaing
at sa kinauukulan ay maparating

ang ipinaglalaban namin ay prinsipyo
kahit mahirap at puno ng sakripisyo
ibabagsak namin itong kapitalismo
upang maitayo ang ipapalit dito

hindi kami mga bayarang raliyista
pagkat prinsipyo ang ipinakikibaka
ang magpabayad kami ay katawa-tawa
parang nilunok ang sinusukang sistema

papalitan namin itong sistemang bulok
ibabagsak namin itong gobyernong bugok
babaguhin namin ang diwang inuuk-ok
at uring manggagawa'y aming iluluklok

Martes, Marso 16, 2010

Matamis na Ngiti

MATAMIS NA NGITI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nais kong masilayan ang matamis mong ngiti
ngunit paano naman kung ang puso ko'y sawi
iyo kayang pakinggan ang paghibik ko't hikbi
ikaw na sa puso ko'y laging nananatili

Ikaw'y Kasama

IKAW'Y KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

“If you tremble indignation at every injustice then you are a comrade of mine.” - Che Guevara

kung ikaw'y nangangatog sa galit
sa dumaratal na inhustisya
kung ikaw'y suklam sa mapagkait
at talagang maramot sa kapwa
kung nangangatal ka na sa lupit
ng sinumang mapagsamantala
at kung poot ka sa nanggigipit
sa mahirap na obrero't masa
aba'y bisig natin ay magkapit
pagkat ikaw ay isang kasama

Lunes, Marso 15, 2010

Paglandi sa Labi

PAGLANDI SA LABI
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

(sa isang dalagang nagpapantasya sa makata)

turing mo'y ako'y hari
ng iyong puso't ngiti
sige, ikaw'y maglandi
sa aking mga labi
nais kong manatili
sa iyong aking mithi
habang kita'y hahabi
ng pangarap na sanhi

Sabado, Marso 13, 2010

Kaibhan ng Reporma't Rebolusyon

KAIBHAN NG REPORMA'T REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"A reform is a correction of abuses; a revolution is a transfer of power." - Edward George Earle Lytton Bulwer-Lytton, mula sa kanyang Talumpati sa House of Commons, hinggil sa Reform Bill

pinagtalunan na ng mga tibak noon
na nangangarap ng pagbabago sa nasyon
kung sino yaong repormismo'y nilalayon
at sino naman ang para sa rebolusyon

reporma'y pagtama lang sa mga abuso
ngunit wala pa ring gaanong pagbabago
pulos katiwalian pa rin sa gobyerno
patuloy pa rin ang landas ng mga trapo

di sapat ang reporma lamang, kaibigan
rebolusyon ay talagang kaiba naman
ito'y sadyang pag-agaw ng kapangyarihan
mula sa mga gahaman, tungo sa bayan

kaya makiisa na't tayo'y makibaka
rebolusyon para mabago ang sistema

Biyernes, Marso 12, 2010

BISIG, Tunay na Unyon sa Goldilocks

BISIG, TUNAY NA UNYON SA GOLDILOCKS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Kilalanin natin ang tunay na unyon
Ito ang marapat na tungkulin ngayon
Ng bawat obrero, kahit ng mga miron
At ang mapagpanggap ay agad itapon

Sa Goldilocks, BISIG ang unyong nanalo
Na siyang marapat kilanling totoo
Ano't itong BUKLOD na talagang talo
Ang kinikilala ng manedsment dito

Ang BUKLOD ay kayang hawakan sa leeg
Nitong manedsment na kanila ngang kabig
Habang ang nanalong unyon nitong BISIG
Sa pakikibaka'y hindi palulupig!

Sa Goldilocks, BISIG itong unyong tunay
At sa halalan nga'y siyang nagtagumpay
Sa obrero'y tunay silang kaagapay
Habang iyang BUKLOD, talo't parang anay.

Goldilocks, Tumitiba

GOLDILOCKS, TUMITIBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang pabrikang Goldilocks, kaytinding tumiba
ngunit manggagawa niya'y kinakawawa
binuhay na siya ng kanyang manggagawa
na nag-akyat ng malaking tubo at tuwa

ngunit bakit obrero'y sakbibi ng luha
nagtatrabaho nga'y para pang isinumpa
sugat-sugat na pati kanilang diwa
kahit ang laman nila'y parang hinihiwa

dahil nais ng kapitalistang kuhila
na mag-akyat pa ng tubo ang manggagawa
kahit na manggagawa pa'y nakakawawa
kapitalista'y walang puso't pang-unawa

pulos tubo, tubo, tubo ang nasa diwa
tubo ang susing nagpapagalaw sa kuhila
kaya ang kapitalista'y kasuma-sumpa
mapanghamak na dapat ibaon sa lupa

Welga sa Goldilocks, Unang Araw

WELGA SA GOLDILOCKS, UNANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Ang sagutang ito'y sa piketlayn dumadagundong
Na ipinaririnig sa masang makasalubong.

Talagang galit na ang mga manggagawa rito
Pagkat sila'y sabay-sabay tinanggal sa trabaho
Dahil sa kasalanang di naman nila ginawa
Na pinagbintangang nagwelga kahit naman wala.

Kasinungalingan ng manedsment ang dumaluhong
Katwirang baluktot nito sa obrero'y daluyong
Na nakisabwat sa gobyerno laban sa obrero
Imbes sila'y tumulong, dahil sa tubo'y nanloko.

Unyunista ng BISIG, kayo na'y magbuklod-buklod
Magkapit-BISIG na upang BUKLOD ay manikluhod!
Goldilocks, tumitiba! Manggagawa'y itsa-pwera
Kaya nararapat, patuloy kayong magkaisa!

Kayo ang nagpaunlad sa Goldilocks at lumikha
Ng produkto dito't di kayo dapat balewala
Kaya Workers Control ng Goldilocks, pag-isipan na
Kayo na ang magpatakbo ng sariling pabrika!

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Sigaw ng lider-obrero: Baguhin ang lipunan!
Na tinugon ng: Tungo sa ganap na kalayaan!

(Nilikha sa unang araw ng welga sa piketlayn ng Bukluran ng Independyenteng Samahang Itinatag sa Goldilocks (BISIG), Marso 11, 2010)

Marso 11, 2010, 498 Shaw Blvd.

MARSO 11, 2010, 498 SHAW BLVD.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dali-daling nagmartsa ang mga pagod na katawan
Upang ipaglaban ang nilabag na karapatan
Upang pukawin ang mga tulog na isipan
Upang makamtan ang minimithing katarungan

Alas-tres iyon ng madaling araw
Habang tulog pa ang kapitalistang tungaw
Habang tinutubo ng kumpanya'y angaw-angaw
Habang mga obrero sa hustisya'y uhaw

Ipinutok na ang pag-aaklas
Ng mga manggagawang naroon sa labas
Dahil tinanggal ng kapitalistang ungas
Dahil binaluktot ang kaso at batas

Nanggigigil ang mga manggagawa
Pagkat hustisya't trabaho'y sadyang nawala
Pagkat kapitalista'y kanilang isinusumpa
Pagkat sa tubo'y nais na nilang lumaya

Huwebes, Marso 11, 2010

Ang Manggagawa


ANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Manggagawa, ikaw ang tagalikha ng lipunan
Ang tagahubog ng sistema ng sandaigdigan
Halina't magsuri, pag-aralan ang kasaysayan

At ang lipunang luklukan ng bulok na sistema
Lalo ang kapitalistang ganid sa tubo't kwarta
Kung wala kayo'y walang maunlad na ekonomya

Ikaw ang bumuhay at umukit ng buong mundo
Tunay kang pinagpala, simbolo ng pagbabago
Ang iyong bisig, pawis, utak, dugo'y inambag mo

May dakila kang misyon sa daigdig, manggagawa
Ikaw ang pinagpalang uri ng masang dalita
Sikapin mong gampanan yaong misyon mong dakila

Yakapin mo ang ideyolohiyang proletaryo
Establisahin ang mga komyun sa buong mundo
Lupigin yaong mapagsamantalang aparato

Kapitalismo'y isang mapag-aglahing sistema
Ang sistemang di atin, para lang sa elitista
Nais lang nito'y tumubo't pagtubuan ang masa

Yanigin na natin ang sistemang mapang-aglahi
Organisahin na nating tunay ang ating uri
Sosyalismo'y ipalit na sa lipunan ng imbi

Buklurin ang mga obrero sa pakikibaka
May naghihintay sa ating sistemang sosyalista
Panahon na, manggagawa, halinang magkaisa

Miyerkules, Marso 10, 2010

Di Isang Piging Ang Rebolusyon

DI ISANG PIGING ANG REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod, soneto

di isang piging o kasayahan ang rebolusyon
na pag nakita sa TV ang ating rali ngayon
o napabalita sa dyaryo ang pagrali noon
ay kaysaya na natin at nakapagrebolusyon

sa totoo lang, ang rebolusyon ay insureksyon
ito'y pagdurog sa kalabang ating hinahamon
pagwasak sa pribadong kagamitan sa produksyon
lalo na'y pagpawi ito sa estado o nasyon

rebolusyon ay pagtatayo ng bagong sistema
ito'y pagpawi rin ng uring mapagsamantala
at pagtatanggol laban sa elitista't burgesya
upang di muling mabuhay ang mga tulad nila

sistemang bulok ay papalitan nating tuluyan
at itatayo natin ang sosyalistang lipunan

Ang Propagandista

ANG PROPAGANDISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

angat dapat lagi ang asal ng propagandista
di dapat matampuhin yaong mga tulad niya
at di sariling interes ang kanyang inuuna
higit sa lahat, kapakanan ng obrero't masa

pagkat propaganda'y di lang pagsulat ng polyeto
pagdidisenyo't paggawa ng magasin at dyaryo
propaganda'y kung paano mangumbinsi ng tao
sa adhikain niyang pagrerebolusyong ito

propaganda'y di lamang pulos binabasa't biswal
dahil gawain niya'y di lamang pulos teknikal
mas gawain niya'y sa usaping sikolohikal
at paglaban sa ideyolohiya ng kapital

propaganda'y tunggalian para sa puso't diwa
ng masa ng sambayanan at uring manggagawa
laban sa mga kaaway na nang-api sa dukha
at pribadong pag-aari yaong laging adhika

pag sa panahong nanghihina ang mga kasama
tungkulin ng propagandistang palakasin sila
pag sa panahong negatibo ang isipan nila
ay gawin itong positibo ng propagandista

sa problema sa samahan, di agad nagtatampo
pagkat kabisado niya ang papel niya rito
ugali ng propagandista'y laging positibo
itataas agad ang moral ng kasama rito

dapat propagandista'y nagsusuring malaliman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
ngunit di dapat matibay lang ay kanyang isipan
higit sa lahat ang asal niya, kaugalian

bawat araw ng propagandista'y sa rebolusyon
bawat oras niya'y para sa sosyalistang layon
sa mundo’y batid niyang konti na lang ang panahon
kaya nagsisipag maipanalo ito ngayon

Martes, Marso 9, 2010

Dyaryo nami'y di pambalot ng tinapa

DYARYO NAMI'Y DI PAMBALOT NG TINAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kami'y mga dyaristang nagmamahal sa trabaho
Lalo sa aming paggawa ng artikulo't dyaryo
Maraming tao rin naman ang nagbabasa nito
Kahit minsan natatanggap nami'y pang-iinsulto.

Parang pambalot daw ng tinapa ang aming dyaryo
At dyaryo-dyaryuhan lang daw ang gawa naming ito
Gayong pinaghirapan namin bawat labas nito
At pinaghusayan ang pagsulat ng artikulo.

Mga kapitalista'y nga'y kayhilig mang-insulto
Ng mga aktibistang nagpapagod na sa dyaryo
Mang-insulto man yaong mga elitistang ito
Hindi kami titigil sa pagmulat ng obrero.

Pinipilit naming pagandahin ang bawat labas
Ng dyaryo kulang man sa manunulat na madulas
Kahit natatanggap pulos insulto pang marahas
Ngunit pang-iinsulto'y di dapat pinalalampas.

Ininsulto rin nila ang mambabasang obrero
Tulad ng pang-insulto nila sa naghirap dito
Ginagampanan naming husay ang aming trabaho
Mag-letter-to-the-editor lang kung may puna rito.

Itutuloy namin ang paggawa ng pahayagan
Pagkat tungkulin namin ay di dapat pabayaan
Kaysa maghintay kami ng ilang linggo o buwan
Na may tutulong na ring mesiyas sa pahayagan.

Kapitalista'y nag-aari ng maraming dyaryo
Na pinalalaganap ay diwang kapitalismo
Pahayagan namin naman ay ari ng obrero
Na dapat lang naman nating suportahan ng todo.

Tagtuyot

TAGTUYOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mainit ang simoy ng hangin sa kanluran
kaya nayayanig ang aking katauhan
tila ba panganib yaong magdaraan
na baka magdulo din sa kapahamakan

magtatagtuyot na kaya may kakulangan
ng tubig sa mga pananim at sakahan
lalo't inuming kailangan ng katawan
baka pati ulo'y uminit ng tuluyan

habang nagbabago ang klima nitong bayan
anumang epekto'y ating mararamdaman
tiyak sa bawat araw ay maalinsangan
na maaring dulot at uhaw, kagutuman

ang hanging dumaratal ay pakiramdaman
ang sakahang natuyo'y suriin at masdan
kaya nararapat lang itong paghandaan
ng tao, ng bayan, at ng pamahalaan

Ang Tubig (Tugon kay Bayang)

ANG TUBIG (TUGON KAY BAYANG)
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(Tubig o dampian mo ang tuyo kong damdamin..hugasi ang kalibutang akong gipuy-an!!!!! Ulan!!! Ulan!!!! Ulan!!!! Ulan!!!!! - ayon kay Bayang Barrios sa Facebook)

Tubig ang pandampi sa tuyong damdamin
Upang magkabuhay ang ugat na angkin
Ngunit anong tubig ang padadampiin
Luha ba ang dito'y dapat padaluyin?

Ngunit kung nais mo'y pagdatal ng ulan
Katulad mo akong nangangarap niyan
Upang madiligan ang lupang sakahan
Basta't huwag lamang baha ang daraan.

Kung ako ang tubig na siyang dadaloy
Sa tuyong damdamin mong tila may apoy
Babasain kita upang magpatuloy
Ang adhikain mo sa bayang niluoy.

Apoy Kapoy

APOY KAPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

namamatay ang apoy
kung ubos na ang kahoy

katawa'y naluluoy
pag laging kinakapoy

gobyerno'y nabababoy
pag namumuno'y baboy

Usapang OG - ilang kakornihan

USAPANG OG - Ilang Kakornihan
ni greg
8 pantig

ang mangarap ng matayog
kung lumagpak ay lagabog

upang bukas mo'y mahubog
huwag kang patulog-tulog

di dapat magpakahambog
nang buhay mo'y di lumubog

huwag maggamot ang sabog
baka utak na'y makalog

mag-ingat lagi sa sunog
baka bahay mo'y madurog

di ka dapat nagdadabog
sa asawang maalindog

tarzan ng bayan ay si Og
sa kumunoy di mahulog

sa away, huwag palamog
baka ilong mo'y sumabog

Linggo, Marso 7, 2010

BOTO - Buy One, Take One?

BOTO - Buy One, Take One?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sino bang iboboto mo, juan
yung mga trapo ba o basahan
ang tanging boto mo sa halalan
ay ibebenta mo bang tuluyan?

ang boto mo'y bibilhin ng trapo
tutal ang pera'y kailangan mo
kahit lang ito'y sandaang piso
bibilhin niya para sa boto

iyang boto mo ba'y Buy One, Take One
na bibilhin ng trapong gahaman
kapalit ng pagkain sa tiyan
at bahala na kinabukasan?

sadyang nais ng trapong manalo
at makaupo na sa gobyerno
ang gagawin ba ng trapo'y ano?
kurakot doon, kurakot dito?

hoy, mahiya ka sa taumbayan
kung sa trapo'y ibebenta lamang
itong kinabukasan ng bayan
laban sa tagumpay ng puhunan

balani ang kalansing ng piso
lalo't kumakalam ang tiyan mo
Buy One, Take One ang nais ng trapo
bili ang boto, kasama kayo

aba'y mag-isip-isip ka naman
huwag basta ibenta na lamang
ang sa pamilya'y kinabukasan
dahil tiyak lugi tayo riyan

Ang Pagpili sa Wala

ANG PAGPILI SA WALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pinahihintulutan tayong muli
sa bawat halalan ay makapili
nitong susunod na mang-aaglahi
sa bayan at sunod na salinlahi

pulos trapong muli ang kandidato
na nananawagang sila'y iboto
pulos sila pangako doon, dito
para makabig ang maraming tao

at pipili muli tayo ng wala
wala pagkat sila'y dapat isumpa
silang sa atin ay walang adhika
kundi apihin lalo tayong dukha

lagi na lang nangangako sa bayan
lulutasin nila ang kahirapan
ngunit pag naroon na sa upuan
ang masa'y di na nila mapuntahan

sa kapangyarihan ay nalulong na
at nakalimutan na rin ang masa
maging aral nawa sa bawat isa
na sa kanila'y di dapat umasa

Makipamuhay sa Masa

MAKIPAMUHAY SA MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halina't makipamuhay sa masa
at matuto sa karanasan nila
tara na't sabay-sabay makibaka
hanggang sa makamit ang demokrasya
at tunay na panlipunang hustisya

Halina't Pag-aralan ang Lipunan

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
alamin kung bakit may mahihirap at mayaman
bakit sa kabila ng inabot na kaunlaran
bilyon-bilyong tao itong lugmok sa kahirapan

sabay-sabay nating itong lipunan ay maaral
bakit nga ba may lipunang primitibo komunal
at bakit nga ba may lipunang alipin at pyudal
bakit ibabagsak ang paghahari ng kapital

dapat nating malaman yaong dahilan at isyu
ng mga manggagawa, kababaihan, obrero
magsasaka, kabataan, iba pang sektor dito
bakit nga ba laganap sa ngayon ang mga trapo

halina't pag-aralan natin ang ating lipunan
suriin natin ang mga nangyayari sa bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang ang mga nagaganap ay maunawaan

at habang inaaral natin ang lipunang ito
alamin natin kung paano ito mababago
paano ang lumang sistema'y dudurugin dito
paano maitayo ang lipunang sosyalismo

Biyernes, Marso 5, 2010

Ako'y Putik sa Matabang Lupa ng Rebolusyon

AKO'Y PUTIK SA MATABANG LUPA NG REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ako ma'y isang hampaslupang putik
sa matabang lupa ng rebolusyon
hampaslupa akong naghihimagsik
laban sa sistemang dapat ibaon

sistemang dapat ilibing sa putik
sistemang sa atin ay lumalamon
ang pagbabago'y kaytagal nang hibik
ng masa't ito ang sa ati'y hamon

sa matabang lupa'y ating ihasik
yaong binhi ng ating rebolusyon
na mula sa diwang mapanghimagsik
upang magbago ang ating sitwasyon

ako ma'y putik sa matabang lupa
ng rebolusyong adhika ng tanan
putik akong pinatatag ng sigwa
ng maraming isyu ng sambayanan

Pag binigyan mo ng sigla ang iba

PAG BINIGYAN MO NG SIGLA ANG IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag binigyan mo ng sigla ang iba
sarili mo ang binibigyang sigla
kaya ang mang-aawit pag kumanta
ramdam ng masa ang tonong may luha
kaya ang makata pag bumigkas na
ramdam ng masa ang kanyang tinula
kaya bigyang sigla natin ang iba
upang tayo rin ay maging masigla

Ang Buhay ay Litrato

ANG BUHAY AY LITRATO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Life is like posing for pictures, we pose the way we want to be seen by others, but stolen shots are better. They capture who we really are.

okey, wan-tu-tri, ismayl en sey chiz, klik

ang buhay ay tulad din ng litrato
pinupustura natin kung paano
nais natin na makilala tayo
ng ating kapwa at ng ibang tao

okey, wan-tu-tri, ismayl en sey chiz, klik

tulad ng litrato ang buhay natin
mag-aayos sa harap ng salamin
bago tumahak doon sa landasin
nang di mapahiya ang pusong angkin

klik, klik, klik, wala nang paalam, klik, klik

ngunit mas mabuti ang stolen shot
nakaw man ang pag-klik, ang kuha'y sapat
dito'y tiyak makikita kang tapat
kung ano ka ba talaga sa lahat

ito'y mga nakaw na kuha, klik, klik

bawat litrato ay katotohanan
sino nga ba tayo'y masisilayan
kung may itatago'y agad iwasan
pagkat klik ng litrato'y katunayan

Katha ng haraya

KATHA NG HARAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

naglalambing pa rin ang haraya
hanap ang magagandang kataga
na punung-puno ng talinghaga
nang malikha ang mga salita
ngunit kadalasan ang may-akda
naroong nakapangalumbaba
habang ang salita'y hinihiwa
kaya nagdurugo yaong katha
habang nangangasim pati dila
ayaw ng makatang mabutata
kaya sa wika'y nakikidigma
nang malikha'y tula ng paglaya

* haraya - salitang Tagalog sa "imahinasyon"

Sa Pagdaing

SA PAGDAING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag tayo'y dumaing, ayaw ng may balakid
tulong sa atin ay nais agad mahatid

ngunit pag dinaingan, kamay nati'y pinid
ayaw bigyan ang kapwa't laging nauumid

ang ganito ba'y salamin ng pagkaganid?
at sa pagkatao'y nagsisilbing salabid?

ang katotohanang ito'y di na nga lingid
sa ating kababayan at mga kapatid

Huwebes, Marso 4, 2010

Dila'y Gamiting Tama

DILA'Y GAMITING TAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ang paa na ang madulas
ang dila lamang ang huwag
pagkat ang dila'y matalas
sa atin nga'y nanunuwag

dila'y tagos hanggang buto
di tulad ng ating paa
kahit madulas man tayo
tayo'y tiyak tindig pa

ang dila ang winawasak
ay ang ating pagkatao
tayo'y kanilang hinamak
at agarang nilulumpo

dila'y gamitin mong tama
upang tayo'y di isumpa

Makakasilat Din Tayo

MAKAKASILAT DIN TAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang pagkatalo ay palagi
at ang panalo ay sakali
tumaya ka na kaysa hindi
at baka makamit ang mithi

pagkarami man nating talo
ay makakasilat din tayo
malay mo, manalo sa lotto
o ang ibinoto'y panalo

ganito sa buhay na iwi
laging pagbabaka-sakali
sa pagsuko ikaw'y humindi
at balang araw magwawagi

kung ngayon ikaw ay tuliro
dapat loob mo pa ri'y buo
walang puwang ang pagkadungo
kaya di ka dapat sumuko

Martes, Marso 2, 2010

Salita'y Panunumpa

SALITA'Y PANUNUMPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(batay sa Kartilya ng Katipunan nina Jacinto't Bonifacio)

akibat ng salita'y pagkatao
dapat mong tuparin pag sinabi mo

panindigan natin ang sinalita
pagkat bawat salita'y panunumpa

pagkain ay di baleng malimutan
kaysa masira sa pinag-usapan

huwag lang kalimutan ang pangako
upang yaong tiwala'y di maglaho

huwag tutularan ang pulitiko
na laging nangangako't nanloloko

di bale nang kumakalam ang tiyan
huwag lamang masira sa usapan

salita’y sumpa sa taong may hiya
singhalaga ng dangal ang salita

kaya tupdin ang anumang usapan
pagkat nakataya ay karangalan

Huwag Tumulad sa Asong Bahag ang Buntot

HUWAG TUMULAD SA ASONG BAHAG ANG BUNTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi tayo uto-uto, may isip tayo
ngunit ang marami'y sumasamba sa trapo
tagapagligtas ba ang mga pulitiko
kaya marami'y bahag ang buntot sa amo

lumaban tayo pag tayo na'y hinahamak
at pagkaapi'y huwag daanin sa iyak
pagkatao'y di dapat malublob sa lusak
at kung kinakailangan tayo'y rumesbak

di tayo tulad ng asong bahag ang buntot
na sa mga pulitiko'y susunod-sunod
tayo'y mga taong marangal at di takot
at sa mga buktot ay di dapat maglingkod

hindi tayo uto-uto, may isip tayo
ipaglaban natin ang ating pagkatao

E, ano, kung ako ay pula

E, ANO, KUNG AKO AY PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr,
9 pantig bawat taludtod

e, ano, kung ako ay pula
ito'y karapatan ko naman
kaysa tulad nilang malansa
ang kamay sa katiwalian

e, ano, kung ako ay pula
at aktibistang lumalaban
kaysa naman maging pasista
na puso'y pawang katakawan

e, ano, kung ako ay pula
di tumulad sa iba riyan
na prinsipyo'y ibinebenta
imbis na ito'y ipaglaban

e, ano, kung pulahan ako
nais ko lang ay pagbabago
ng sistemang binulok ninyo
at ginagahasang totoo

dahil ba pula ako'y dapat
na lang nilang pagmalupitan
gayong utak nila'y kaykunat
na nasa isip sarili lang

dahil ba pula ako'y dapat
nang durugin ang karapatan
at katawan ko pa'y maratrat
ng kanilang baril na tangan

ako'y pula at pula ako
kaya dapat lang irespeto
tao rin ako tulad ninyo
na tangan lagi ang prinsipyo

ako'y pula at pula ako
lalabang tunay hanggang dulo
kahit kapalit pa'y buhay ko
para sa masa't pagbabago

Lunes, Marso 1, 2010

Ilang Kataga sa Namumuno

ILANG KATAGA SA NAMUMUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kung yaong amo'y masungit
ganuon din yaong kabig
kung batas nila'y mahigpit
dahil mahigpit ang salig
kung anong kulay ng langit
siya ring kulay ng tubig

kung ano ang nasa taas
siya ring nasa ibaba
kung yaong pinuno'y ungas
ang mga tao'y kawawa
ngunit kung pinuno'y pantas
kaygandang bukas ng madla

Ang Talunan

ANG TALUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

"Being defeated is often a temporary condition. Giving up is what makes it permanent." (Marilyn vos Savant)

kung matalo ka mang minsan
ito'y temporaryo lamang
kung pagganti'y nais naman
ikaw pa'y may babalikan

kung nagpasya kang ayawan
tiyak wala ka nang laban
tinanggap mo nang tuluyan
na ikaw nga ay talunan