Ang sipag sa paggawa
"Ang sipag sa paggawa na iyong ikabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa iyong asawa't mga anak, sa iyong kapatid at mga kababayan." ~ bilang ikasiyam (IX) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Andres Bonifacio)
mabuhay ang lahat ng nagtatrabaho't dalita
dahil sa inyong sipag, daigdig ay pinagpala
nilikha ng manggagawa'y ekonomya ng bansa
dukha'y kaysipag ngunit isang kahig, isang tuka
mag-ipon, magtipid, isang aral ng COVID-19
umibig, magmahal, kahit community quarantine
huwag lang umasa sa sahod, maging malikhain
habang ginagabayan ng prinsipyo't adhikain
magtanim ng kamote, talbos man nito'y pang-ulam
masisipag ang manggagawa, tulad din ng langgam
ika nga, hirap natitiis, dusa'y napaparam
maaabot pa rin ang pangarap na inaasam
kolektibong magkaisa, makipagkapitbisig
sa bawat manggagawa't maralitang makakabig
upang itayo ang lipunang lahat ay may tinig
at di pinagsasamantalahan ng mapanlupig
itatatag ang isang pantay-pantay na lipunan
para sa sambayanan at tuluyang wawakasan
ang pribadong pag-aaring ugat ng kahirapan
at kapitalismong ugat ng laksang kasamaan
- gregbituinjr.