ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Kung ang kapitalismo'y napakalaking akasya
Obrero'y mga palakol na sisibak sa kanya
Unti-unti'y puputulin ang malalagong sanga
Mga sanga'y panggatong nang makakain ang masa.
Kung ang kapitalismo'y napakataas na tore
Buhay-hari ang kapitalistang ngingisi-ngisi
Toreng itinayo ng manggagawang nagsisilbi
Ay dapat nang buwagin ng mga obrerong api.
Kung ang kapitalismo'y agilang lilipad-lipad
Manggagawa'y di sisiw na dadagitin lang agad
Sila'y isniperong riple'y tangan, na tanging hangad
Na masapol pag ulo nitong agila'y lumantad.
Kung ang kapitalismo'y tulad ng isang buldoser
Na manggagawa sa pabrika ang minamasaker
Tanganan mo, manggagawa, laban sa mga Hitler
Iyang masong inyong dapat ipambuwag sa pader.