Lunes, Hulyo 12, 2010

Puno ng Sakripisyong Pag-ibig

PUNO NG SAKRIPISYONG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pag-ibig, di ka pala pulos kasiyahan
Pagkat punung-puno ito ng sakripisyo
Ngunit kahit ang pag-ibig ay sadyang ganyan
Dapat danasin pa rin ng marami ito
Kung sakali mang natatamo'y kabiguan
Di iyan wakas, may darating pa ring bago
Kaya magpatuloy magmahal, kaibigan
At saya sa puso'y iyo ring matatamo

Makikinig na nga ba ang gobyerno?

MAKIKINIG NA NGA BA ANG GOBYERNO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ilang administrasyon na ba ang nagdaan
na laging bingi sa panawagan ng bayan
na laging bulag sa isyu ng mamamayan
di nga pipi ngunit hanggang pangako lamang

ngayon narito naman si Pangulong Noynoy
makikinig ba siya pag masa'y nanaghoy
didinggin ba niya yaong mga palaboy
o masa'y patuloy malubog sa kumunoy

makikinig na ba ang gobyerno sa masa
o ito'y tangan pa ng kuko ng agila
tatango-tango sa nais ng Amerika
imbes na sa kagustuhan ng bayan niya

sa SONA nga'y kaylinaw ng pribatisasyon
ni walang sinabi sa kontraktwalisasyon
nais pa ng pangulo ang deregulasyon
liberal kasi kaya liberalisasyon

nag-aasta silang sila'y bagong pag-asa
lilikhang muli ng mga bagong programa
ang gobyerno nga ba'y nakikinig sa masa
gayong mga napwesto'y pawang elitista

dapat ay palitan ang mga nasa pwesto
palitan ang trapo't ilagay ang obrero
sistema'y di nararapat kapitalismo
at pagsikapang itayo ang sosyalismo