Martes, Nobyembre 3, 2009

Ang Cellphone, Isang Pagmumuni

ANG CELLPHONE, ISANG PAGMUMUNI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

itong cellphone ay gamit panghanapan lamang
at di gamit sa pakikipagkaibigan
ito'y nakakainis na katotohanan
pag hinahanap ka, cellphone ang kailangan

para bang wala nang pakialam sa iyo
ang nais makausap at taong hanap mo
asar ka't ayaw agad sumagot sa iyo
gayong lobat, walang load o signal yung tao

ang buhay cellphone ay sadyang nakakalungkot
panghanap lang ng kalabaw, di rin pangsutsot
ang buhay cellphone ay di na nakalulugod
imbes na umayos, buhay pa'y nagugusot

ang cellphone ay pinaunlad na telegrama
produkto ng makabagong teknolohiya
sa anumang tanggapan di ka na pupunta
mensage'y saglit lang, mapapaabot mo na

Musika sa Pandinig

MUSIKA SA PANDINIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

musika sa aking pandinig
ang napakalamyos mong tinig
puso't diwa'y natitigatig
habang sa iyo'y nakatitig

hindi ka naman mang-aawit
minsan pa nga ikaw'y masungit
ngunit ako'y dala mong pilit
sa tinig mong kaakit-akit

o, sadyang kaysarap pakinggan
ng tinig mong kaylambing naman
parang ako'y napalibutan
ng mga anghel ng kariktan

ikaw'y talagang iniibig
tibok niring puso ko'y dinig
ako nga'y labis pang tumitig
sa iyong ngiti, ganda't tindig

Oda sa Magandang Aktibista

ODA SA MAGANDANG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ako'y namalikmata nang masulyapan kita
tila ba isang diwata ang aking nakita
sa kagandahan mo'y tunay kang isang diyosa
ngunit ang totoo'y maganda kang aktibista

panakaw na lang palagi kung kita'y titigan
lagi nang sumusulyap sa iyong kagandahan
nais ko nang magtapat sa iyo ng tuluyan
ngunit nangangambang matamo ko'y kabiguan

marahil dahil wala pang maipagmalaki
ako ngayon sa iyo, o, aking kinakasi
ngunit iniibig kita, aking binibini
sa puso't isip ko'y di kita iwinawaksi

tayo'y kapwa aktibista ng bagong panahon
at ako'y nagsisikap ikaw ang inspirasyon
sa aking pagkilos sa magdamag at maghapon
panay ang aking diskarte upang makaipon

sana'y di ka mawala sa aking buhay, sinta
tila ba ako'y mamamatay pag nawala ka
nais kitang sa habambuhay ay makasama
buhay ko ma'y iaalay pagkat mahal kita

tanggapin mo sana itong alay kong pag-ibig
ikaw lang ang mamahalin ang siya kong tindig
makaaasa kang sa aki'y makakasandig
maging sa kamatayan di ako palulupig

Kalapati Kontra Buwitre

KALAPATI KONTRA BUWITRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

itong manggagawa ang mga kalapati
sa mundong ito ng kapitalistang buwitre
manggagawa ang higit na nakararami
ngunit sila pa ang mistulang mga api

gayong mga kapitalista'y kakaunti
at sila'y bilang mo lang sa mga daliri
ngunit sila pa ang sa mundo'y naghahari
dahil sa kanilang pribadong pag-aari

dapat lang mawala itong mga buwitre
na mga sakim sa tubo't makasarili
na sa obrero'y patuloy ang panlalansi
at nagpapasasa sa ating buhay dine

sa mga buwitre'y dapat tayong mamuhi
at mapoot din sa makasariling uri
mga sakim sa mundo'y dapat nang mapawi
pati ang kanilang pribadong pag-aari

Poproteksyunan ko ang iyong biyuda

Panata sa puntod ng isang bayani:
POPROTEKSYUNAN KO ANG IYONG BIYUDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pangatlo siya sa iyong naging asawa
dahil naunang namatay ang iyong una
habang hiwalay ka naman sa ikalawa
nang mapaslang ka, pangatlo ang nabiyuda

marahil nagkita na kayo ng iyong una
doon sa malayo ang inyong alaala
at masaya kayo sa muling pagkikita
at tiyak biyuda'y di na maaalala

o, kasama, sa iyo kami'y taas-noo
sa pakikibaka para sa pagbabago
sa harap ng puntod mo'y nangangako ako
poproteksyunan ko ang biyuda mo rito

ang panata ko'y ipagtatanggol ko siya
sa sinumang taong aaglahi sa kanya
hihingiin ko rin ang basbas mo, kasama
na siya'y makasama ko't mapaligaya

tutal ay kasama mo na ang iyong una
at tiyak diyan kayo na'y pawang masaya
di ko pababayaan ang iyong biyuda
buhay ko man itataya para sa kanya

pinapanata ko sa harap ng puntod mo
na poproteksyunan siya't iibigin ko
pagkat siya sa puso ko't diwa'y narito
larawan niya'y naukit na sa puso ko

sa mundong ito'y wala na akong ninasa
kundi makasama ang babae kong sinta
kaya pasasalamat sa iyo, kasama
kung makakasama ko ang iyong biyuda

kasama, umasa kang masakatuparan
ang panatang sa iyo'y aking binitiwan
ang winika ko'y katumbas ng karangalan
tutupdin ang panata, buhay ialay man

Di Ako Tahimik na Mamamatay

DI AKO TAHIMIK NA MAMAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa kilusang mapagpalaya ako nabuhay
sa kilusang ito na rin ako mamamatay
ako'y sinanay maging propagandistang tunay
prinsipyo't paninindigan ko'y naging matibay

ngunit kung malalagutan ako ng hininga
nais kong di lang ako maging estadistika
pagkat pagpanaw ko'y magiging isang enigma
para sa naghahari sa bulok na sistema

hanggang kamatayan ako'y magpopropaganda
mababalita ang pagkapaslang sa makata
makatang tanging nasa'y mabago ang sistema
mamulat sa sosyalismo ang maraming masa

kaya nga di ako tahimik na mamamatay
pagkat pag-uusapan ang aking paghandusay
ngunit ang mas nais kong kanilang isalaysay
ay kung paano ba ako sa mundo nabuhay

kahit sa huling hantungan ako'y mangyayanig
kahit sa mga pahayagan ay maririnig
patuloy na isisiwalat ang ating panig
sa mga aklat, dyaryo, panitik nakasandig

ako'y propagandista na noon hanggang ngayon
ngunit kung yayao akong wala sa panahon
sana'y nagampanan kong husay ang aking misyon
at nakasama na ang dalagang nilalayon