Sabado, Setyembre 20, 2025

Kaya dapat RESIGN ALL, Rep. Cendaña

KAYA DAPAT RESIGN ALL, REP. CENDAÑA

mali talaga ang Marcos Resign lang, Rep. Cendaña
dapat RESIGN ALL ang panawagan, mag-resign lahat
Marcos Singilin! Duterte Panagutin ang chanting
ng marami, dapat ang bayan dito na'y magising!

huwag na tayong papiliin sa dalawang paksyon
ng naghaharing dinastiyang pamilya sa ngayon
dalawa silang dapat kapwa usigin ng bayan
sa mga katiwaliang ginawa nila naman

di maipaliwanag ang milyon-milyong ginastos
sa labing-isang araw, di ba, Sara Jane Piattos
ugali pang magbantang may ipapapatay siya
ganyan ba? benggador ang nais mamuno sa masa?

nilagdaan yaong batas na siyamnapu't siyam
na taon uupahan ng dayo ang kalupaan
natin, ng bansa, animo'y ibinenta na tayo
ipinagkanulo na ang bayan sa mga dayo

kaya dapat panawagan sa Setyembre twenty-one
ay RESIGN ALL, kapwa usigin ang dalawang iyan
di sapat ang Marcos Resign kundi Sara Resign din
RESIGN ALL! iyan ang wastong panawagan ng masa

- gregoriovbituinjr.
09.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, 09.19.2025

Walang pinag-iba

WALANG PINAG-IBA

anumang tae, walang pinag-iba
alam na alam nga iyan ng masa
sa doktor lamang sila nagkaiba
na batayan ng sakit o siyensya

sa disenyo ni Tarantadong Kalbo
na isa sa aking mga idolo
na mangguguhit o mandidibuho
natumbok ang problema sa bayan ko

wala sa oligarkiya't burgesya
o sa kapitalista't dinastiya
ang pag-asa ng masang nagdurusa
kundi sa bayan kong nagkakaisa

at kay Tarantadong Kalbo, salamat
na dinibuho'y nakapagmumulat
na basura, tae't burgesyang bundat
sa ating lipunan ay nakakalat

panahon na ngang linisin ang bayan
mula sa mga tiwali't gahaman
dapat magkaisa ng sambayanan
at tuluyang baguhin ang lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.20.2025

* litrato mula sa fb page ni Tarantadong Kalbo sa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1305984484314392&set=a.562746088638239 

Tale of three Sara

TALE OF THREE SARA

ang una'y si Sara Piattos
di mapaliwanag ang gastos
milyon-milyon sa onse araw
banta pa'y may ipapapatay

ikalwa'y si Sara Dismaya
sa flood control, contractor pala
pondo ng bayan, isinubi
mga proyekto'y guniguni

kahanga-hanga ang ikatlo
singer na si Sarah Geronimo
sa kabataan, kanyang bilin
bulok na sistema'y baguhin

Sarah Geronimo, Mabuhay!
ngala'y nagniningning na tunay!
payo mo sa prinsipyo'y atas
itayo ang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
09.20.2025

* litrato mula sa fb page ng ABS-CBN News
* ulat mula sa https://abscbn.news/3VXIDlL