Biyernes, Marso 12, 2010

BISIG, Tunay na Unyon sa Goldilocks

BISIG, TUNAY NA UNYON SA GOLDILOCKS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Kilalanin natin ang tunay na unyon
Ito ang marapat na tungkulin ngayon
Ng bawat obrero, kahit ng mga miron
At ang mapagpanggap ay agad itapon

Sa Goldilocks, BISIG ang unyong nanalo
Na siyang marapat kilanling totoo
Ano't itong BUKLOD na talagang talo
Ang kinikilala ng manedsment dito

Ang BUKLOD ay kayang hawakan sa leeg
Nitong manedsment na kanila ngang kabig
Habang ang nanalong unyon nitong BISIG
Sa pakikibaka'y hindi palulupig!

Sa Goldilocks, BISIG itong unyong tunay
At sa halalan nga'y siyang nagtagumpay
Sa obrero'y tunay silang kaagapay
Habang iyang BUKLOD, talo't parang anay.

Goldilocks, Tumitiba

GOLDILOCKS, TUMITIBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang pabrikang Goldilocks, kaytinding tumiba
ngunit manggagawa niya'y kinakawawa
binuhay na siya ng kanyang manggagawa
na nag-akyat ng malaking tubo at tuwa

ngunit bakit obrero'y sakbibi ng luha
nagtatrabaho nga'y para pang isinumpa
sugat-sugat na pati kanilang diwa
kahit ang laman nila'y parang hinihiwa

dahil nais ng kapitalistang kuhila
na mag-akyat pa ng tubo ang manggagawa
kahit na manggagawa pa'y nakakawawa
kapitalista'y walang puso't pang-unawa

pulos tubo, tubo, tubo ang nasa diwa
tubo ang susing nagpapagalaw sa kuhila
kaya ang kapitalista'y kasuma-sumpa
mapanghamak na dapat ibaon sa lupa

Welga sa Goldilocks, Unang Araw

WELGA SA GOLDILOCKS, UNANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Ang sagutang ito'y sa piketlayn dumadagundong
Na ipinaririnig sa masang makasalubong.

Talagang galit na ang mga manggagawa rito
Pagkat sila'y sabay-sabay tinanggal sa trabaho
Dahil sa kasalanang di naman nila ginawa
Na pinagbintangang nagwelga kahit naman wala.

Kasinungalingan ng manedsment ang dumaluhong
Katwirang baluktot nito sa obrero'y daluyong
Na nakisabwat sa gobyerno laban sa obrero
Imbes sila'y tumulong, dahil sa tubo'y nanloko.

Unyunista ng BISIG, kayo na'y magbuklod-buklod
Magkapit-BISIG na upang BUKLOD ay manikluhod!
Goldilocks, tumitiba! Manggagawa'y itsa-pwera
Kaya nararapat, patuloy kayong magkaisa!

Kayo ang nagpaunlad sa Goldilocks at lumikha
Ng produkto dito't di kayo dapat balewala
Kaya Workers Control ng Goldilocks, pag-isipan na
Kayo na ang magpatakbo ng sariling pabrika!

Sigaw ng lider-obrero: Goldilocks, tumitiba!
Agad tugon naman: Manggagawa, kinakawawa!
Sigaw ng lider-obrero: Baguhin ang lipunan!
Na tinugon ng: Tungo sa ganap na kalayaan!

(Nilikha sa unang araw ng welga sa piketlayn ng Bukluran ng Independyenteng Samahang Itinatag sa Goldilocks (BISIG), Marso 11, 2010)

Marso 11, 2010, 498 Shaw Blvd.

MARSO 11, 2010, 498 SHAW BLVD.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dali-daling nagmartsa ang mga pagod na katawan
Upang ipaglaban ang nilabag na karapatan
Upang pukawin ang mga tulog na isipan
Upang makamtan ang minimithing katarungan

Alas-tres iyon ng madaling araw
Habang tulog pa ang kapitalistang tungaw
Habang tinutubo ng kumpanya'y angaw-angaw
Habang mga obrero sa hustisya'y uhaw

Ipinutok na ang pag-aaklas
Ng mga manggagawang naroon sa labas
Dahil tinanggal ng kapitalistang ungas
Dahil binaluktot ang kaso at batas

Nanggigigil ang mga manggagawa
Pagkat hustisya't trabaho'y sadyang nawala
Pagkat kapitalista'y kanilang isinusumpa
Pagkat sa tubo'y nais na nilang lumaya