Huwebes, Agosto 13, 2009

Por Kilong Puta

POR KILONG PUTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

masama nga ba ang babaeng nagputa
o mas dapat pa ngang purihin pa siya
sa sakripisyo't katawang ibinenta
para may makain ang kanyang pamilya

katawang sarili'y isinakripisyo
ibinebenta sa mga parokyano
na kaymura tulad ng karneng por kilo
nang may maipag-agdong buhay sa mundo

kayhirap mabuhay sa sistemang bulok
parang mundo'y pasan, sadyang dumadagok
di na makaraos kaya laging lugmok
nagpuputa para sa mga dayukdok

kailangang kumilos, magpakaputa
ibebenta pati puso't kaluluwa
basta't kumita lang ng kaunting barya
at mairaos lang ang hirap at dusa

naisip niya'y wala nang magbabago
dahil ang buhay ay sadya raw ganito
puso niya't tumigas na parang bato
dahil sa kahirapang sagad sa buto

paano ba tayo tutulong sa puta
at sa araw-araw makaraos siya
bibilhin ba natin ang por kilong tinda
at tatanggapin ito ng pikit-mata

titigan natin ang puta't kilalanin
ginagawa ba niya'y kayang lunukin
di ba't siya'y dapat lang tulungan natin
upang pagbabago'y kanya ring hangarin

mas bayani siya kaysa mga pari
mas marangal siya kaysa mga hari
na isinakripisyo'y sariling puri
upang mabuhay ang pamilyang kandili

Nang Tayo'y May Mapala

NANG TAYO'Y MAY MAPALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
sonetong may 9 pantig bawat taludtod

di sapat ang mga kataga
di sapat ang bawat salita
dapat lamang tayong kumilos
nang tayo nama'y may mapala

di dapat lagi nang tulala
di dapat na nakatunganga
dapat lamang tayong kumilos
nang masa nama'y may mapala

di sapat ang mga luha
di sapat na dugo'y bumaha
dapat lamang tayong kumilos
nang mundo nama'y may mapala

halina't kumilos na tayo
upang lipunan ay mabago

Ang Buod ng Sosyalismo

ANG BUOD NG SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Sosyalisado, hindi pribado
dapat ang pag-aari sa mundo
ng pabrika't mga instrumento
ng paggawa ng mga produkto
ito ang buod ng sosyalismo
na dapat itatag ng obrero

Pagkat dahilan ng kahirapan
dusa't gutom ng maraming bayan
ay pag-aari lang ng iilan
ang sa produksyon ay kagamitan
kaya tubo'y laging kabig lamang
nitong kapitalistang gahaman

Dapat nang gamitin yaong maso
at durugin ang pagkapribado
ng mga inaring instrumento
ng paggawa ng mga produkto
at gawin itong sosyalisado
para sa kapakanan ng tao

Dapat ang tao ang makinabang
sa kanilang pinaghihirapan
kaya dapat lang nating palitan
gawing sosyalisadong tuluyan
ang sistemang bulok ng lipunan
upang ang lahat ay makinabang

Puso Ko'y Binighani ni Ms. M.

PUSO KO'Y BINIGHANI NI MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Di siya ang artistang si Ara Mina
na pagkadiyosa'y aking sinasamba

At di rin siya si Ms. Aiko Melendez
Iwa Moto't Sabrina M. na nagburles

Ngunit Miss Maganda ang sa kanya'y turing
ng marami pagkat kayganda't kaylambing

Puso ko'y binihag nitong binibini
kaya nga ako sa kanya'y nabighani

Sadyang kaakit-akit ang kanyang mukha
na pag titigan di ako magsasawa

Salubungan lang niya ako ng ngiti
ang pagkapagod ko'y agad napapawi

O, kaysarap mahalin ng isang Ms. M.
na sa puso ko'y inibig kong taimtim

O, Ms. M. sana'y mahalin mo rin ako
pagkat ako'y patay na patay sa iyo

Sa mundong ito, ikaw ang aking buhay
at sa puso'y inukit na kitang tunay

Nawa'y matupad na itong pinangarap
nang iwing puso ko'y di na naghihirap