Biyernes, Abril 23, 2021

Sa mga utak-pulbura

balisawsaw ang utak kaya di naiintindihan
kung bakit community pantry ay nagsusulputan
pagpaslang ang alam, walang alam sa bayanihan
kaya nire-redtag pag may nakikitang damayan

nasa pandemya tayo, naunawaan ba nila
maraming manggagawang natanggal na sa pabrika
walang trabaho kaya nagugutom ang pamilya
regular, ginawang kontraktwal ng kapitalista

hanggang sa community pantry'y may nakaisip
upang makatulong at nagugutom ay masagip
munti man ang kusang loob na tulong, di malirip
na may mabubuting ang gawa'y walang kahulilip

dahil walang magawa, bayanihan ay ni-redtag
ng mga ulupong gayong wala namang nalabag
o nakitang nakasulat na gobyerno'y ibagsak
kundi talaga lang silang balisawsaw ang utak

doon na magmatapang sa sinasakop ng Tsina
o community pantry lang ang inyong kinakaya
o kaya sa tungkulin ay mabuting magbitiw na
kaysa gumawa ng kalokohan at inhustisya

- gregoriovbituinjr.

Paalala sa loob ng traysikel

PAALALA SA LOOB NG TRAYSIKEL

sumakay ako ng traysikel patungo sa pulong
at nakatutuwa ang mga nakapaskil doon

sapagkat tadtad ng paalala sa mamamayan
bawal magyosi sa mga pampublikong sasakyan
at terminal, sa umaga ibayad mo'y barya lang

may istiker pa ng Love Radio, at tayo'y makinig
at may Wow Tiyan pa sa isang lalagyan ng biskwit
habang ako naman ay naroong napapaisip
at kumatha ng paglalarawan ng buong tigib

paalala sa kalagayan nati't kalusugan
lalo't may pandemya't nais ng tao'y kaligtasan
maraming salamat, may mga paalalang ganyan

kaya nilitratuhan ko ang mga nakapaskil
mababasa pa sa gilid, "smoking cause mouth cancer"

- gregoriovbituinjr.

Pagtahak sa hindi makasariling buhay

ako'y tumahak sa hindi makasariling buhay
pagkat hindi pagpapayaman ang sa puso'y taglay
buhay ko'y sa marangal na layunin inialay
lipunang makatao'y matayo ang aking pakay

bakit di ko nga ba isipin ang pagpapayaman?
ang mag-angkin ng mag-angkin ng yaman sa lipunan?
para ano? para kapwa ko'y pagsamantalahan?
ang maging sikat? sambahin ako ng mamamayan?

sayang ang buhay kung magpayaman lang ang isip mo
sayang ang buhay kung magpakabundat ka lang dito
sayang ang buhay kung magiging tuso sa negosyo
sayang ka kung wala kang banal na misyon sa mundo

bakit ka isinilang? upang yaman ay makamal?
mag-angkin ng milyong piso, maupo sa pedestal?
at magbababad sa bisyong babae, alak, sugal
ah, ganyan ba kababaw ang kasiyahan mo, hangal?

nasulat nga doon sa Kartilya ng Katipunan:
"Ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan
ay kahoy na walang lilim kundi damong makamandag."
Kartilya'y gabay ko hanggang sa aking kamatayan

may esensya ang buhay kung sa masa'y naglilingkod
napagtanto ko bilang obrerong kayod ng kayod
at hindi sa walang kwentang buhay magpatianod
isang beses lang mabuhay, anong nakalulugod?

anong katuturan ng pagpapayaman sa mundo
at mag-angkin ng maraming pag-aaring pribado
wala, sayang ang buhay kung iyan lang ang layon mo
mabuti pang mamatay sa paglilingkod sa tao

oo, hanap ko'y katuturan, esensya ng buhay
kaya tinahak ay hindi makasariling buhay
sa pagtulong sa kapwa, sa pakikibakang tunay
na may silbi ako sa kapwa kahit na mapatay

- gregoriovbituinjr.