Biyernes, Oktubre 30, 2009

Nawa'y di mo ako iniiwasan

NAWA'Y DI MO AKO INIIWASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

napapansin ko lang, bakit mo ako iniiwasan
iniisip mo bang ikaw'y aking pinaglalaruan
gayong sa iyo, ako'y talagang seryoso naman
pagkat ikaw lamang ang mahal ko sa kaibuturan

mahal ko, nawa'y di mo naman ako iniiwasan
pagkat pag nangyari iyon, ako'y sadyang masasaktan
mahal kita, tanging ikaw lang, iyo sanang tandaan
sa puso ko'y nakaukit ka na't di malilimutan

Mga Basang Larawan

MGA BASANG LARAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

naglulutangan ang mga larawan
alaala ng kahapong nagdaan
palutang-lutang doon sa kawalan
sa bahay na naging dalampasigan

pagkat tahana'y nilubog sa baha
nang manalasa ang Ondoy na sigwa
mga kagamitan ay nangabasa
lalo'y larawang halos mangasira

kaya yaong album ng minamahal
na sinikap tipunin nang kaytagal
ngayon alaalang nasa imburnal
ng kawalang tila nagpatiwakal

isa-isahin nating patuyuin
mga basang larawan ay ibitin
mga gunita itong lalambitin
sa alaala ng pagsinta natin

Dasal sa mga Aktibistang Yumao

DASAL SA MGA AKTIBISTANG YUMAO
(Isinagawa sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila, Oktubre 30, 2009. Dumalo rito ang PAHRA, KPML, TFD, SDK, Balay, Youth for Rights, atbp.)

TUGON:
Ipagdasal natin at ipagbunyi
Ang kaluluwa ng mga bayani

TAGAPAGSALITA:
Kayraming aktibistang nakibaka
Para sa pagbabago ng sistema
Isinakripisyo ang buhay nila
Para ang bukas natin ay gumanda
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Maraming dinukot na aktibista
Na hanggang ngayon di pa nakikita
Gayong ang tanging kasalanan nila
Ay palayain ang masa sa dusa
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Kayrami ring aktibistang pinaslang
Ng mga taong kaluluwa'y halang
Sa ilog katawa'y lulutang-lutang
Dignidad ng tao ang niyurakan
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Taas-noo silang nakikibaka
At nagsakripisyo para sa kapwa
Ibinigay nila'y lahat-lahat na
Nang lumaya sa bulok na sistema
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Kayraming bayaning nagsakripisyo
Para sa kinabukasan ng tao
At sa kapakanan ng bansang ito
Sila’y dapat kilalaning totoo
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Ipagbunyi yaong mga bayani
Silang sa bulok na sistema'y saksi
At kasama natin noon sa rali
Pagkat nakibaka silang kaytindi
TUGON: