Huwebes, Marso 31, 2022

Takipsilim

TAKIPSILIM

muling sumapit ang takipsilim
sa muling pagtatapos ng buwan
at niyakap kong muli ang dilim
na animo'y walang katapusan

tulad din ng buhay natin ngayon
madaling araw, umaga'y landas
tanghali, hapon, at dapithapon
takipsilim, hatinggabi'y bakas

paikot-ikot lang nga ang buhay
tila gulong na pagulong-gulong
may pagkasilang at may paghimlay
may pagkabigo, may sumusulong

umunlad naman daw ang daigdig
may mayaman, may mahirap pa rin
kapitalista'y tubo ang kabig
maralita'y tuka bawat kahig

at sa pagsapit ng takipsilim
ng buhay ng bawat mamamayan
nawa'y matikman, ginhawa't lilim
panlipunang hustisya'y makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022

Pinta ng pagmamahal

PINTA NG PAGMAMAHAL

sikat na pinta yaong malibog umano
na naibenta ng tatlumpung milyong Euro;
batay sa ulat sa kasaysayan, may kwento
batay sa pangyayaring talagang totoo

isang matanda'y pinarusahang mamatay
sa gutom dahil daw nagnakaw ng tinapay;
sa panahon ni Haring Luis Labing-apat
ng Pransya, na sa lupit ay kilala't sikat

tanging dalaw ng preso'y babaeng anak n'ya;
makalipas ang apat na buwan, buhay pa
ang matandang lalaki't tila lumusog pa
kaya awtoridad ay labis na nagtaka

hanggang mabatid nila kung anong sikreto
babae pala sa ama'y nagpapasuso
hukom ay naawa sa nabatid na ito
ama'y pinatawad, pinalayang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022

* litrato mula sa fb

Pangarap ng kabataan

PANGARAP NG KABATAAN

mga anak ng manggagawa, may mga pangarap
na sila'y makaalpas na sa dusa't paghihirap
ang buhay na may dignidad ay kanilang malasap
mayroong magandang bukas at may ginhawang ganap

simpleng pangarap nilang mga kabataan, bata
walang nagsasamantala sa amang manggagawa
walang yumuyurak sa dignidad ng ama't dukha
ang pamamalakad ng batas ay patas sa bansa

tiyak ayaw ng mga bata sa trapong kawatan
ayaw sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan
tiyak, isisigaw nila, "Sana, matino naman
ang mahalal na Pangulo ng mahal nating bayan!"

bansang ang karapatang pantao'y nirerespeto
pamahalaang may paggalang sa wastong proseso
mayorya sa kanila'y anak ng dukhang obrero
ama'y kayod ng kayod para sa kaunting sweldo

at para sa kinabukasan: Manggagawa Naman
ihalal nating Pangulo, Ka Leody de Guzman
para sa maayos na pamumuhay, kalusugan
magandang edukasyon, magandang kinabukasan

- gregoriovbituinjr.
03.31.2022