Sabado, Abril 11, 2020

Sa kabilugan ng buwan

Sa kabilugan ng buwan

kailangang lumabas upang makita ang full moon
subalit kayginaw sa labas, baka magkapulmon
saglit lang lumabas upang mapiktyuran ang full moon
bago pa isang bakunawa ang dito'y lumamon

masarap tumigil sa labas, titigan ang buwan
huwag lamang magkasakit, sakaling maambunan
suutin ang balabal kung lalabas ng tahanan
upang di sipunin, maingatan pa ang katawan

O, kaysarap pagmasdan ng buwang bilog na bilog
tila ba abot mo na ang pangarap na kaytayog
may diwata kaya roon, na dito'y papanaog
umaawit habang alpa'y kanilang tinutugtog

noong isang gabi lamang nang lumitaw ang buwan
na tila bagong pag-asa ang kaharap ng bayan
nananalasang sakit sana'y ating maiwasan
umaasam na isang bagong umaga'y daratnan

- gregbituinjr.

Sabi nila'y "Presente"

Sabi nila'y "Presente"

"Presente", ang sabi nilang may hawak na larawan
sa taunang Kalbaryo ng Kawalang Katarungan
patunay na ang mahal nila'y di nalilimutan
na winala noon, di na makita ang katawan

sila'y iwinala gayong pinaglaban ang tama
pagbabago ang adhika, bayan ay mapalaya
mula sa kuko ng mapagsamantala't kuhila
hanggang ngayon, ang hinahanap na hustisya'y wala

"Presente" para sa lahat ng desaparesidos
ito rin ang sigaw kong nakikibaka ng lubos
sigaw rin ng ibang ang pakikibaka'y di tapos
na sa masa'y patuloy pang naglilingkod ng taos

tuloy ang paghahanap sa katawan at hustisya
ng mga nagmamahal at naulilang pamilya
hiling na kahit katawan sana'y matagpuan na
"Presente", hustisyang asam nawa'y kamtin na nila

- gregbituinjr.

Ang ulam namin kagabi

Ang ulam namin kagabi

sardinas na may talbos ng kamote at kamatis
simpleng ulam kagabi upang gutom ay mapalis
sa panahon ng lockdown ay magtipid at magtiis
di lumalabas ng bahay, animo'y dusa't hapis

talbos ng kamote na may kamatis at sardinas
talbos na tanim, sa bakuran lang namin pinitas
habang nasa isip ay paano na kaya bukas
habang kakaunti na lang ang nariritong bigas

kamatis na may sardinas at sa kamote'y talbos
ulam itong pang-relief, pang-survivor, at pangkapos
walang trabaho, walang kayod, wala ring panggastos
gayunman, pasalamat na rin kami't nakaraos

sardinas na may kamatis at talbos ng kamote
ito lamang ang payak na ulam namin kagabi
nakakabusog na rin, kahit kaunti'y mabuti
pampalipas ng gutom, pampalusog din, ang sabi

- gregbituinjr.

Bala, Bale, Bali, Balo

BALA, BALE, BALI, BALO

ang pasaway, babarilin, mamamatay sa bala
kaya sumunod ka na lang daw kung ayaw magdusa
nagutom ang tao kaya lumabas ng kalsada
krimen na bang magutom at pagpaslang ang parusa?

ang turing lang sa buhay ay balewala, di bale
di baleng pumatay, hilig kasi ng presidente
naglalaway sa dugo ng "pasaway" na kayrami
na sa gutom ay nagprotesta't daing ay sinabi

ilan sa kanila'y pinalo, likod ay may bali
natutunan yata'y hazing ng namamalong hari
hazing nila'y disiplinang pagbabakasakali
bastos sa karapatang pantao, nakakamuhi

batas ng pangulo'y lumikha ng maraming balo
E.J.K. dito, E.J.K. doon, ano na ito?
solusyon lang sa problema'y pagpaslang, ano ito?
halimaw na pamamaraan ng sukab at gago!

- gregbituinjr.