Linggo, Oktubre 5, 2025

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INO

para raw makalimot sa aking pinagdaanan
iyan ang payo sa akin ng isang manginginom
noong birthday ko ay di ko raw siya tinagayan
aba'y bakit ko tatagayan ang senglot na iyon

dadamayan daw niya ako upang makalimot
sa pinagdaraanang hapdi raw ng pagkawala
ni misis sa sakit, siya rin daw ay nalulungkot
kaya kaming dalawa raw ay magsitagay na nga

kanyang sinabi'y palsong katwiran para sa akin
bakit ko naman lilimutin ang tangi kong sinta
gayong si misis ang diwatang laging sasambahin
ayokong lumimot, nais ko siyang maalala

mahirap kausap ang lasenggo o lasenggero
na araw-gabi, may hawak na bote, naglalasing
pabaya sa pamilya, tapos yayayain ako
mas mabuti pang matulog ang sa kanya'y pasaring

- gregoriovbituinjr.
10.04.2025

Pirmi na akong nakatayô sa LRT

PIRMI NA AKONG NAKATAYÔ SA LRT

oo, di ako umuupo sa LRT
dahil mga silya roon ay pambabae
dapat lang maging gentleman kaming lalaki
kaya madalas ako'y tayô sa LRT

nakapagtatakang lalaki'y umuupô
gayong kayrami pang babaeng nakatayô
para bang walang aral ang mga kulugô
na di alam gumalang, sa asal ay hubô

hoy, tila kapara mo'y tusong pulitiko 
na nagpakabundat sa kaban ng bayan ko
aba'y matuto kang tumayo't rumespeto
sa bawat babaeng imahe ng nanay mo

umupo pag may bakante o may sakit ka
may kapansanan o kaya'y matanda ka na
igalang bawat Marya Klara't Gabriela
pag sila'y nakatayô, ibigay ang silya

- gregoriovbituinjr.
10.05.2025

* LRT - Light Rail Transit
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1LShmGezqb/