Linggo, Agosto 15, 2021

Pagpupugay kay Hidilyn Diaz

PAGPUPUGAY KAY HIDILYN DIAZ

aba kong tula'y munting handog kay Hidilyn Diaz
unang gintong medalya'y nakamtan ng Pilipinas
sa weightlifting, ang Tsina'y tinalo ng ating alas
upang ginto'y makamit ng dalagang anong lakas

kapara niya'y talang sa langit pumaimbulog
pinagdiwang ng bansa, nayon, lungsod at kanugnog
pangalan niya sa buong bayan na'y napabantog
at kung anu-anong yaman sa kanya'y inihandog

sa iyo, Hidilyn, kami'y naritong nagpupugay
at sa buong bansa'y naging inspirasyon kang tunay
sadyang kahanga-hanga ang iyong lakas na taglay
sa kasaysayan ng bansa'y naukit ka nang tunay

ang iyong mga pagsisikap ay nagbunga ngayon
kahit marami ang nanuligsa sa iyo noon
pinakita mo ang lakas at ikaw ay bumangon
at sinungkit ang gintong medalya para sa nasyon

sa iba pang atletang nanalo rin ng medalya
sa Tokyo Olympics, kayo'y kayhuhusay talaga
pagpupugay rin sa inyo, kayo'y magpatuloy pa
dangal na ng bansa'y natulungan pa ang pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

* nabili ang pahayagang tangan ng makata noong Hulyo 27, 2021

Salamisim

SALAMISIM

hayaan mo ako sa aba kong katahimikan
upang maisulat ang asam na tulang tuluyan
habang mistulang patungo sa parang ng digmaan
upang ipagwagi'y isang makataong lipunan

habang balak kong maghalo ng semento't buhangin
at palitadahan ang di pa makinis na dingding
nang maiwasang bagabagin ng alalahanin
datapwat may tagulaylay na naririnig man din 

minsang nakatalungko, ako'y kinalabit nila
ano't nakatunganga na naman, nahan ang masa
habang dalirot yaong loob sa iwing pangamba
ika nga nila, inabala na, ginambala pa

ako'y nagpasalamat sa kanilang pagkalabit
pagkat tuluyang nagising sa bangungot at impit
maganda ang buhay bagamat minsan ay mapait
sa kawalan ng hustisya'y kayraming nasa bingit

narito mang nananahimik sa munti kong lungga
at dinaranas ng kalooban ay dusa't luha
patuloy kong gagampanan ang layon at adhika
tungo sa isang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

Biodegradable

BIODEGRADABLE

sa isang groseriyang binilhan ng makakain
sa pinambalot sa tinapay may tatak na angkin
malaking BIODEGRADABLE ang nasulat man din
sa mga bumibili'y bilin itong dapat gawin

paalala upang gamitin nati'y nabubulok
di na plastik ang gamitin habang may nilulunok
pagkat kung basurang plastik sa kanal nagsipasok
ay dama ng bayan pag bumaha'y talagang lugmok

lalo't naglulutangan na sa laot ang plastik
sa lansangan, ilog, sapa, plastik na'y sumisiksik
na kahit mga mangingisda't isda'y humihibik
katubigan na'y nilulunod ng tao sa plastik

di nabubulok ang plastik, non-biodegradable
kapaligirang malinis ang ating hinahabol
gamitin at itaguyod ang biodegradable
subalit magtanim pa rin ng puno, madlang pipol

sa pagtataguyod nito'y saludo akong sadya
abiso ng tindahang yao'y abutin ng madla
bilin araw-araw, huwag ipagwalangbahala
kung aangkining prinsipyo'y huwag mabalewala

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

Di dapat matuyuan

DI DAPAT MATUYUAN

tuyong dilis muli ang ulam, tuyong dilis pa rin
walang tuyong hawot, tuyong biklad o tuyong daing
buti na lang kahit papaano'y may isasaing
at kahit papaano sa gutom ay pansagip din

paminsan-minsan lang naman ang pagkain ng tuyo
anong talab sa katawan, lagi bang nadudungo
na kahit sa trabaho'y masipag ay laging bigo
buti na lang may kamatis na sa kanin kahalo

tara, saluhan mo ako't nang makapagkwentuhan
anong palagay mo sa nangyayari sa lipunan
tuyo ba ang bayan sa kawalan ng katarungan
na libo-libong pinaslang ay di malilimutan

tuyo nga ang bayang walang panlipunang hustisya
pinapurol sila ng paghanga sa sinasamba
nilang idolong palamura na'y palamara pa
tuyo lang ang pinag-usapan, kayraming paksa na

pagkat di dapat matuyuan ang ating sarili
upang sa mga nangyayari'y maging walang paki
maggulay din, kalusugan ay huwag isantabi
nang tayo'y may lakas, magsama mang muli sa rali

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

Napagod man si Ate sa rali

NAPAGOD MAN SI ATE SA RALI

sa semento'y napaupo na sa pagod si Ate
lalo't mahaba-haba rin ang nilakad sa rali
na minsan sa ganitong danas ay napagmumuni
nakakapagod man ang pakikibakang kaytindi
ay patuloy pa rin silang sa bayan nagsisilbi
habang tangan ang plakard ng mahalagang mensahe

tingnan na lamang natin ang nakunan kong larawan
"Climate emergency is not a joke!" ang natunghayan
at sa isa pa'y "Para sa tao at kalikasan,
hustisyang pangklima, ngayon na!" yaong panawagan
mga mensaheng di lang para sa kasalukuyan
kundi sa sunod na salinlahi't kinabukasan

napagod man si Ate't napaupo sa semento
sa pagsama lang niya sa rali, ako'y saludo
pasasalamat ko'y taospuso't taas-kamao
pagkat tulad niya'y inspirasyon sa ating mundo
silang nagtataglay ng makabuluhang prinsipyo
silang pangarap itayo'y lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Paglalakbay sa panahon ng may-akda

PAGLALAKBAY SA PANAHON NG MAY-AKDA

labinglimang araw na lockdown na walang magawa?
muling balikan ang panitikan o aklat kaya
magbasa-basa, iyong punuin ang puso't diwa
kwento'y basahin, masaya man o maluha-luha

kayraming nabiling aklat hinggil sa panitikan
ilabas na ito't buklatin nang mabasa naman
kaysa inaamag lang diyan sa munting aklatan
tanggalan ng alikabok at marahang punasan

may magagandang katha at mga klasikong salin 
na kagaya ng "Rubdob ng Tag-init" ni Nick Joaquin
maikling kwento ni Manuel E. Arguilla'y namnamin
kwentong patulang Ibong Adarna'y muling tanawin

"Sa Dakong Silangan" ni Batute'y sadyang klasiko 
pati na "Ang Beterano" ni Lazaro Francisco
ang akdang "Juan Masili" ni Patricio Mariano
isama pa'y "Ibong Mandaragit" ni Ka Amado

aklat ay hanguin natin sa aklatang agiwin
at arukin ang matatalinghagang diwa't bilin
anong sarap balik-balikan at muling basahin
na panahon ng may-akda'y pinupuntahan natin

- gregoriovbituinjr.
08.15.2021