Linggo, Hunyo 6, 2021

Sadako versus Kayako

"Sadako versus Kayako" ang pamagat ng sine
panonoorin kong palabas mamaya sa T.V.
tila hinahatak ako nito't binibighani
upang ako'y maging saksi sa anumang mangyari

sa dako pa roon ay kaya ko bang panoorin
ang kwentong katatakutan daw na dapat alamin
buting mapanood upang kwento'y mabatid ko rin
kung bakit silang dalawa'y paglalaban-labanin

naeengganyo ako sa mga pangalan nila
Sadako versus Kayako, na kahali-halina
Sa Dako roon ba'y Kaya Ko panoorin sila
sige lang, panonoorin ito, wala nang iba

mga sikat na kwentong Hapones, katatakutan
balahibo mo'y titindig habang nasa sinehan
kwento ba itong naglalarawan ng kamatayan
o kung di handa ang puso mo, kwentong ito'y iwan

malaking hamon ito sa tulad kong manunulat
na kung ako ba'y pipikit na lang o mumulagat
ako'y manonood nang malaman ang lahat-lahat
kung gaano kalupit ang kanilang kwento't banat

- gregoriovbituinjr.
06.06.2021

Kalatas sa aking mga apo, Liham 2

apo, Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran
tuwing ikalima ng Hunyo, inyo ngang tandaan 
ito'y paalalang dapat din kayong makialam
upang alagaan ang daigdig nating tahanan

tingan ninyo, basura'y palutang-lutang sa laot
tulad ng mga plastik at upos na nagsisuot
sa mga bahura't tangrib, basura'y pumulupot
sa ngayon, mundong ito'y ganito ang inaabot

marami namang ginawa ang aming henerasyon
ngunit sadya yatang di sapat ang nagawa't misyon
mga isda nga'y microplastic na ang nilalamon
tao'y kakainin naman ang mga isdang iyon

nabubulok at di nabubulok, pinaghiwalay
habang sa pabrika, plastik pa'y nililikhang tunay
sa plastik na di mabulok, produkto'y nilalagay
hanggang ngayon nga sa nangyayari'y di mapalagay

henerasyon nami'y may ginawa para sa inyo
subalit tawad ay hingi pa rin naming totoo
dahil sa problemang iniiwan namin sa inyo
ngunit ipinaglaban din namin ang mundong ito 

nabigo kaming baguhin ang bulok na sistema
na sanhi ng kahirapan, pagdurusa, basura
tinapon sa mga ilog ang galing sa pabrika
lupaing ninuno'y sinisira ng pagmimina

sana sa inyong henerasyon ay may magbabago
pakiusap ko lang, sana'y may magagawa kayo
upang pangalagaan ang tahanan nating mundo
para naman sa henerasyong susunod sa inyo

- mula kay Tata Goryo Bituin
06.06.2036

Kalatas sa aking mga apo, Liham 1

mabuhay kayo, mga apo ko, apo sa tuhod
at talampakan, ako'y nagsisipag sa pagkayod
upang magandang kinabukasan ay itaguyod
pagsulpot ninyo sa mundong ito'y nakalulugod

ang payo ko lang, apo, mag-aral kayong mabuti
basahin ang inyong aralin sa araw at gabi
magtapos kayo't paghandaan ang inyong paglaki
kolehiyo'y tapusin upang di kayo magsisi

basahin din ang Liwanag at Dilim ni Jacinto
na nagsabing "lahat ay iisa ang pagkatao"
ang Kartilya ng Katipunan ay basahin ninyo
at isabuhay tulad ng isang Katipunero

sa mga iyan pakikipagkapwa'y nasusulat
sa pagpapakatao't mabuting asal mamulat
sa bansang ito puso't diwa ninyo'y nakaugat
tinubuang lupang dapat ipagtanggol ng lahat

may mga tungkulin din kayo bilang mamamayan
na pag-aralan ninyo ang takbo nitong lipunan
bakit laksa'y naghihirap, may mayamang iilan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

magulang nyo'y igalang at sundin ng buong puso
mga apo, sana'y di n'yo danasin ang siphayo
munting hiyas lang ng karanasan ang aking payo
upang problema'y malutas ninyong di sumusuko

- mula kay Tata Goryo Bituin
06.06.2036