Huwebes, Pebrero 25, 2016

Never Again sa Batas-Militar

NEVER AGAIN SA BATAS-MILITAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

huwag kalilimutan ang marahas na panahon
na karapatang pantao'y niyurak at nilulon
ng batas-militar kaya masa'y nasa linggatong
ng kaba't poot, kayraming nawala, ikinulong

huwag kalilimutan ang sama-samang pagkilos
upang panahong marahas ay mag-iba ng agos
hinarap ng taumbayan ang rumagasang unos
hanggang mapatalsik ang lintik na nambubusabos

mabuhay ang lahat ng nagsakripisyo't lumaban
sa diktaduryang dahas, yumurak sa karangalan
ngunit bagong elit ang kumubkob sa pamunuan
bagong burgesyang tadtad din ng mga kabulukan

Isang lakas tayo

ISANG LAKAS TAYO

isang lakas tayong nakikibaka
magkakapitbisig, nagkakaisa
sama-samang ipagtanggol ang masa
upang kamtin ang hangad na hustisya

Sanlakas tayong hindi pagagapi
sa sinumang mga mapang-aglahi
ibabagsak natin sinumang hari
at itataguyod ang ating uri

Sanlakas tayong hindi patatalo
sa sinumang tiwaling pulitiko
lilinisin yaong basahang trapo
tiwali'y dapat magdusa ng todo

Sanlakas tayong hindi madudurog
ng sinumang kapitalistang hambog
mang-aapi'y tiyaking malalamog
tutupdin ang pangarap na kaytayog

Sanlakas na hangad ay pagbabago
sa puso't diwa'y subok ang prinsipyo
sa labanan ay hindi tumatakbo
laging handa sa pagtulong sa tao

- gregbituinjr.