Martes, Hulyo 7, 2020

Nasa malayong lugar man, patuloy ang pagbaka

Nasa malayong lugar man, patuloy ang pagbaka

nasa malayong lugar man, patuloy ang pagbaka
nasa kanayunan man, narito't nakikiisa
sa sama-samang pagkilos ay nais kong sumama
tulad ng dati, nang ako'y nasa kalunsuran pa

malayo man sa lungsod, pagkat narito sa bundok
isyu ng bayang sa hininga'y nakasusulasok
ay nababatid, kaya muli ngayong lumalahok
bilang tungkulin sa bayan, buti na lang may pesbuk

nais kong lumuwas subalit wala pang biyahe
nananatiling mailap ang anumang diskarte
di makapagpaalam lalo't walang pamasahe
di basta aalis ng walang paalam, di pwede

kahit narito'y kumikilos para sa layunin
malayo man, pinagpapatuloy ang adhikain
sa abot ng makakaya'y gagawin ang tungkulin
para sa bayan, sa uri, at kapwa dukha natin

- gregbituinjr.

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

ngayong araw ay muling sariwain ang Kartilya
ng Katipunan, na sa bayan ay isang pamana
isabuhay ang Kartilyang itong inakda nila
bilang pagpupugay sa mga bayani ng masa

ang buhay na di ginugol sa dakilang layunin
ay damong makamandag o kahoy na walang lilim
oras ay mahalaga, mahusay itong gamitin
sinumang mapang-api'y dapat nating kabakahin

sinumang naaapi'y ipagtanggol nating todo
bilin pa nila'y makipagkapwa't magpakatao
wala sa kulay ng balat, tangos ng ilong ito
alagaan ang babaeng kawangis ng ina mo

mahalagahin mo ang saloobin mo't salita
na dapat mong tupdin pagkat salita'y panunumpa
puri't karangalan ay huwag binabalewala
bawat sinaad sa Kartilya'y isapuso't diwa

pagpupugay sa anibersaryo ng Katipunan
isabuhay natin ang Kartilya nitong iniwan
bilang pag-alala sa kanilang kadakilaan
upang kamtin ng bayan ang asam na kalayaan

- gregbituinjr.
07.07.2020

Ang musa ng ekobrik

Ang musa ng ekobrik

paano ba gugupitin ang magandang larawan
upang isama sa ekobrik ang imaheng iyan
imbes sambahin ang mutyang inspirasyon din naman
ay gupitin ang larawan sa plastik, kainaman

anong katuturan kung larawang ito'y itago
baka pag tinago mo'y may iba pang manibugho
mabuti pang gupitin siyang di mo masusuyo
at isiksik sa ekobrik upang siya'y maglaho

inspirasyon din ang larawang ang mukha'y kayganda
lalo na ang ngiting tunay na nakakahalina
kahit di nito malutas ang kalam ng sikmura
na pag tinitigan, nakabubusog din sa mata

kunwari, siya si Maganda, ako si Malakas
mula alamat ng bayan ay ginawang palabas
siya'y ipagtatanggol ko laban sa mararahas
siya ang kagandahang sasambahin mo ng wagas

gugupitin ko ba ito o hindi? gugupitin!
tiyak na marami pang ganitong may gandang angkin
isasama ko siya sa ekobrik kong gagawin
siya ang musa ng ekobrik sa mga titingin

- gregbituinjr.