isang maralitang manininda si Nanay Mila
dukha man ay di sumusuko't nagsisikap siya
upang makakain ng tatlong beses ang pamilya
marangal na naghahanapbuhay sa pagtitinda
may pwesto sa bangketa, tinitinda'y sari-sari
kay-agang gumising kahit ibinebenta'y tingi
kinakain ay ayaw galing sa limos o hingi
kaya nagsisikap araw-gabi't ayaw malugi
matanda na si Nanay Mila, tagapagsalita
ng mga maninindang madalas kinakawawa
pinalalayas sa bangketa, animo'y sinumpa
ang tulad ba nila sa lipunan ay balewala?
sa kabila ng mga naranasang paghihirap
siya'y nagpapatuloy upang ginhawa'y malasap
mabuhay ka, Nanay Mila, sa iyong pagsisikap
upang sa pamilya'y matupad ang pinapangarap
- gregbituinjr.
- ang tulang ito'y bahagi ng binubuong aklat ng may-akda hinggil sa buhay at pakikibaka ng mga vendor sa kalunsuran
(si Nanay Mila Oga-oga ay kasapi ng Metro Manila Vendors Alliance o MMVA; kuha ang litrato noong Mayo 22, 2018 sa QC Memorial Circle)