Biyernes, Mayo 28, 2021

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

ang makata'y naroong nakatitig sa kawalan
bakit kaya? ano na namang pinagninilayan?
bakit puno ng plastik at upos ang karagatan?
dumating ang Bakunawa nang pumula ang buwan?

ang natanaw ba'y ang dambuhalang hayop na Lumbong?
ano nang gagawin sa natipong hibla't yamungmong
nagutom ba't nalimutan ang inihandang bug-ong?
bakit kayrami ng tao sa nadaanang tuklong?

maglalamay muli mamaya sa gawaing salin
lumulubog na mata'y si misis ang nakapansin
bagong damit ay ihiwalay muna sa labahin
baka malalinan ang puti, lalo na't dumihin

ang musa ng panitik ba'y muling dumalaw doon
upang bigyan ang abang makata ng inspirasyon?
maraming tanong na hanap ay maayos na tugon
sa pagkatitig, makata'y iidlip at babangon

- gregoriovbituinjr.05.28.2021

Isa lang akong panitikero

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." 
~ Percy Byshe Shelley (1792-1822), makata mula sa Inglatera

huwag birahin, isa lang akong panitikero
bagamat mga tuso't tiwali'y binibira ko
huwag din sanang tokhangin ang manunulang ito
kahit krimeng pagtokhang ay binibirang totoo

bagamat di naman nasulat sa anumang batas
na sa akda'y bibirahin sinumang talipandas
marangal ang layon at misyon naming nilalandas
lalo't hangad ay lipunang gumagalaw ng patas

pag may kamalian, marapat ba kaming pumikit
lalo't pinagsasamantalahan ang maliliit
lalo't babae't dukha'y inaapi't nilalait
tamang presyo ng lakas-paggawa'y pinagkakait

kung kabulastugan ay isiwalat ko sa tula
kung nangyayari sa bayan ay aming isadula
kung sa aming kwento'y ilahad ang danas ng madla
ito'y marangal na tungkulin ng mga makata

isa man akong panitikero, may adhikain
upang mali sa lipunan ay aming tuligsain
at kung dahil sa tungkuling ito ako'y patayin
ay magkakabahid ng dugo ang pluma kong angkin

- gregoriovbituinjr.
05.28.2021

Kurot sa puso

may kurot sa puso ang bawat kong pinapangarap
tulad ng limanglibong tulang tatapusing ganap
habang ang ilawan sa silid ko'y aandap-andap
habang ang musa ng panitik ay kinakausap

tagumpay ang tanging nobelang katha ni Harper Lee
ito nga ang "To Kill a Mocking Bird" ng binibini
dalawa lang ang nobela ni Rizal, Noli't Fili
kay Stephen King ay gusto ko ang Pet Sematari

kahit isang nobela lang ay dapat pag-isipan
paano magaganap kung di ito sisimulan
sa unang kabanata pa lang ay pagpapawisan
ngunit dapat naroong nakatuon ang isipan

dapat nga bang pusong bakal ang mga kontrabida?
talaga nga bang mapagsamantala ang burgesya?
panlipunang hustisya't karapatan ba ang tema?
ah, di ako dapat mabigo sa unang nobela

nakapaglathala na nga ako noon ng libro
na hinggil sa "Ang Una Kong Sampung Maikling Kwento"
ito ang isa kong batayan at kakapitan ko
upang makakatha ng nobela, isa man ito

unang hakbang, unang simula, unang kabanata
may kurot sa puso, sadyang ako'y napapaluha
pagkat pinagbubuntis ang nobelang kinakatha
sa sinapupunan ng makatang may luha't tuwa

- gregoriovbituinjr.05.28.2021

Maraming hakbang pang lalandasin

MARAMING HAKBANG PANG LALANDASIN

napagtanto kong maraming hakbang pang lalandasin
gaano man kalayo ang lugar ay mararating
dapat maging handa kung mapudpod ang gagamitin
patungo sa mga sangandaang nais tahakin

sa tula nga ni Robert Frost ay aking naalala
na daang bihirang tahakin ang nilandas niya
tulad ng paglakad sa Tacloban galing Luneta
na kasama akong nakaranas dahil sa klima

hanggang aking buksan ang isang panibagong pinto
kumbaga sa akda'y tatahakin ang bagong yugto
habang nabubuhay ay pangarap na di maglaho
kaya sa paghakbang na ito'y tiyak walang hinto

libo na ang tula, walang nobela kahit isa
na pangarap kong malikha habang nabubuhay pa
tangkang tahakin ang pagkatha ng unang nobela
kung saan walang iisang bida kundi ang masa

habang nakatalungko'y patuloy sa pagninilay
mga kwento ng karaniwan ang adhika't pakay
tauhan, tagpuan, tunggali, kabanata, banghay
maisulat na ito bago tumawid ng tulay

- gregoriovbituinjr.05.28.2021

Pala-palagay

I

nahan ang mahal
napatigagal
sumbong ng bungal
nagpakabanal

nakalulungkot
tila bangungot
saan sumuot
at nagpakipot

kaya ang sinta
ay nagwala na
nagtago daw ba
ito sa kanya

II

sila't tumagay
ng walang humpay
nang may umaray
di napalagay

pagkat biglaan
ang kahangalan
pinaglaruan
yaong hukluban

buti ng puso
na ba'y naglaho
at dinuduro
ang masang dungo

III

kayraming gusot
ang idinulot
ng mapag-imbot
at tusong salot

nahan ang bait
sa dukha't gipit
na nilalait
ng malulupit

kapwa'y mahalin
huwag apihin
sila'y tao rin
ating isipin

- gregoriovbituinjr.
05.28.2021