Kamatayan ng Ama at Anak, ayon kay Croesus
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig
Sadya ngang iba ang kalagayan
Sa digmaan at kapayapaan
May kaguluhan kapag may digma
Gulo ang isip, puso at diwa
At meron ding kabalintunaan
Sa relasyon ng ama at anak
At ito nga’y isinalarawan
Nitong Haring Croesus ng Lydia
Na sinabing may katalinuhan:
“Sa panahon ng kapayapaan
Inililibing ng mga anak
Ang mga ama nilang pumanaw.
Ngunit sa panahon ng digmaan
Ang nangyayari’y kabaligtaran:
Mga ama itong lumuluha
At siya rin namang naglilibing
Sa mga pumanaw nilang anak."