Linggo, Setyembre 19, 2021

Panuntunan

PANUNTUNAN

sundin ang anumang bilin ni misis, ito'y naging
panuntunan ko na habang dito'y nagpapagaling
anong oras ng pagtulog, anong oras gigising
kayraming gulay na may sabaw ang aking kainin

gamot na iniinom ko'y di agad matandaan
samutsari, mga iyon ay sinulat ko naman
may tabletang sa tubig lulusawin ng mataman
subong sunud-sunod ng tableta'y ramdam ng tiyan

dapat alkoholan ang anumang mahawakan ko
laging may alkohol sa bulsa ng sweater o polo
laging magsuob, umaga, hapon, o gabi ito
pagkakain, bago matulog, nagsusuob ako

sa posisyon man ng pagtulog, tagilid ang higa
nakokonsentra raw ang virus pag nakatihaya
oksiheno'y laging tsine-tsek upang di bumaba
at kainin ang naririyang prutas na sariwa

na-confine sa ospital si Biyenan at pamangkin
na sa swab test, na tulad ko'y nagpositibo na rin
huwag iasa kay misis ang lahat, tulungan din
ang sarili upang makatulong din pag gumaling

huwag lalabas, sa kwarto lang, baka maimpeksyon
baka may malakas ang covid na naglilimayon
sundin lang si misis, sa kwarto lang, nang sa ganoon
ay bakasakaling gumaling din sa sakit ngayon

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Buko

BUKO

bukod sa virgin coconut oil, may sariwang buko
ng niyog na ang tubig ay talagang tinungga ko
lunas sa mga sakit na iniindang totoo
O, kayganda ng umagang may buko sa tabi mo!

bihira akong makakita ng puno ng niyog
malamig dito, sa mainit ang punong matayog
pasasalamat sa laman nitong nakabubusog
na kaysarap papakin lalo na't bigay ng irog

pinatatag ako nito sa mahabang lakaran
tulad ng Climate Walk mula Luneta to Tacloban
pag may tindero ng niyog sa aming daraanan
talagang titigil sa lakad at magbibilihan

tingnan mo, may tubig na, may laman pa, saan ka pa?
at sa pangangatawan mo'y tiyak pampatibay pa
pasasalamat sa niyog na pagkain ng masa
pagkat di tayo magugutom saanman magpunta

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Ang bilin

ANG BILIN

nagpapagaling ka na, bawal maimpeksyon, bilin
kay misis ng doktora, at tagubilin sa akin
dalawa hanggang tatlong linggo pang magpapagaling
mga dalawampu't isang araw pang titiisin

ayos lang, habang naririto pa sa kabundukan
malayo sa polusyon at mataong kalunsuran
baka impeksyon pa'y maging agarang kamatayan
lalo na't ngayon ay panahon ng kaligaligan

nais ko na ring gumaling, ayokong maimpeksyon
kaysa nakatitig sa kisameng may nakabaon
sa likuran kong balaraw o kris na alon-alon
dapat kong makabangon, kailangan kong bumangon

magpalakas kapara ng bagani at buhawi
magpatuloy nating ingatan ang buhay na iwi
upang magampanan pang husay ang tungkol at mithi
tungo sa isang lipunang buo, di hinahati

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Saging

SAGING

mabuti na lang at may saging na nakatiwangwang
medyo hilaw pa, kahit paano'y pahinog naman
na pamatid-gutom agad sa kinaumagahan
matapos magbawas ay may potasyum sa katawan

saging yaong pinagtalunan ng pagong at matsing
kwento ni Doktor Rizal na may aral din sa atin
pinagmulan ng "tuso man ay napaglalangan din"
tulad din nitong sakit na malalagpasan natin

may nagkomento ngang dahil ako'y nag-vegetarian
kaya parang lantang-gulay ang aking hinantungan
ang sinabing iyon ay nais kong pabulaanan
kaya nagsusumikap patatagin ang kalamnan

potasyum ang saging, pampatibay ng bawat buto
agahan, meryenda sa hapon, busog kang totoo
na kahit sa hapunan ay hahanap-hanapin mo
O, saging, kaligtasan ka nga sa gutom sa mundo!

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021