Linggo, Hulyo 13, 2025

Basura

BASURA

nang sumigaw ang maton sa daan
ng "Lumabas ang matapang diyan!"
ginawa ng mga kapitbahay
basura'y inilabas na tunay

sila ang matatapang talaga
binigay sa maton ang basura
ano ngayon, saan ang tapang mo
basura tuloy para sa iyo

maton ba kaya talak ng talak
ay nanghiram ng tapang sa alak
bakit ba naghahanap ng away?
kanino galit? mata'y mapungay?

basura ba ang asal ng maton?
kaya basura'y ipinalamon?
minsan sa komiks inilalantad
ang katotohanang tila hubad

- gregoriovbituinjr.
07.13.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hulyo 9, 2025, p.7

Gulay sa pananghalian

GULAY SA PANANGHALIAN

kamatis, sibuyas, / bawang, okra, talong
anong sarap nitong / ating ulam ngayon
pagkat pampalakas / ng katawan iyon
tiyak maiibsan / ang nadamang gutom

tara nang mag-ulam / ng mga gulayin
iniluto upang / gumanang kumain
datapwat kayraming / mga iisipin
habang sumusubo / nagninilay pa rin

payak na almusal / at pananghalian
at pampatibay pa / ng mga kalamnan
tatatag din naman / ang puso't isipan
makatatagal pa / sa mga takbuhan

halina't kumain / nitong mga gulay
na kasangga upang / tumagal sa buhay

- gregoriovbituinjr.
07.13.2025