Biyernes, Mayo 10, 2024

Banta sa buhay ang redtagging, ayon sa SC

BANTA SA BUHAY ANG REDTAGGING, AYON SA SC

sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema
nitong Mayo Otso, redtagging ay banta talaga
sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng masa
pati sa kagaya kong nakikibakang aktibista

nais ng aktibista'y isang malayang lipunan
na di naghahari sa bansa ang tuso't gahaman
di namamayagpag ang dinastiya ng iilan
nais nami'y patas, parehas, pantay na lipunan

dahil ayaw ng elitistang mawala't tanggalin
kaya pinauso nila ang sistemang redtagging
ayaw ng kapitalistang ang karapatan natin
sa pabrika, sa eskwela, saanman, kilalanin

kumilos kami para sa karapatang pantao
laban sa pagsasamantala ng tao sa tao
itatayo namin ay isang lipunang makatao
na walang hari batay sa pag-aaring pribado

salamat sa Korte Suprema sa inyong desisyon
na redtagging sa buhay ng masa'y nakalalason
patuloy lang kami sa makatao naming misyon
na sistemang bulok ay pawiin sa ating nasyon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* litrato mula sa ulat sa google

Paksa ng abang makata

PAKSA NG ABANG MAKATA

kayraming paksang nalilirip
ngunit mahirap ding mag-isip
paanong masa'y masasagip
at uring obrero'y mahagip

ang makatang tapat sa uri
at laban sa mapang-aglahi
babakahin ang naghahari
sasagipin ang api't lahi

simpleng bagay ay tinutula
buhay ng dukha, hampaslupa
laban ng uring manggagawa
ang mga dumatal na sigwa

ang matalinghagang tanawin
mga bundok na lalandasin
nangyaring di lubos isipin
maging makabagbag-damdamin

kahit kumain man ng tutong
ulam man ay tuyo at kangkong
buhay ay tuloy ang paggulong
mga paksang di urong-sulong

nasa'y sistemang makatao
itayo'y lipunang obrero
sa kapwa'y pagpapakatao
madalas paksa hanggang dulo

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Anong kahulugan ng hao siao?

ANONG KAHULUGAN NG HAO SIAO?

naririnig ko na noon pa ang hao siao
akala ko'y pagkain doon sa Binondo
na kapara ng tikoy, chop seuy at siopao
ngunit iba pala ang kahulugan nito

ano ba ang hao siao, tayo'y nagsaliksik
upang kung ano talaga ito'y malaman
ayon sa Inquirer, ito'y bogus journalist
sa Abante Tonite ba'y pekeng Pinoy iyan?

tingnan ang pamagat: Tarlac Mayor Hao Siao
ngunit di Hao Siao ang pangalan ni Mayor
nang nasa Senado si Mayor Alice Guo
ay ginisa ni Senadora Hontiveros

tanong ni Risa, "Baka Chinese national ka?"
walang rekord na ipinanganak sa bansa
wala ding rekord ng pinasukang eskwela
kay Hontiveros, ito'y nakababahala

tila baga ang hao siao ay pekeng Pinoy?
ngunit Mayor ba'y Tsino ang nasyunalidad?
usaping West Philippine Sea pa pag natukoy
kaso ng hao siao ay dapat mailantad

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, ika-10 ng Mayo, 2024, pahina 1 at 3