Sabado, Enero 23, 2021

Isuot nang tama ang face mask

nag-selfie ako sa nadaanan kong karatula,
na "Wag Kang Pasaway!" na ang pinta pa'y pulang-pula
at "Isuot nang tama ang iyong mask!" ang sabi pa
pagkat bilin nilang ito sa masa'y mahalaga

nitong panahon ng pandemya'y may banta sa ating
kalusugan kaya dapat na mag-social distancing
face mask at face shield nati'y suutin ang tanging hiling
ito'y paggalang na rin sa iba, sa kapwa natin

tiyaking may alkohol kang dala't laging maghinaw
ng kamay upang kalusugan nati'y di mamanglaw
kaydaling sundin, mag-face mask ka, huwag kang pasaway
igalang ang ating kapwa't kayrami nang namatay

kung di ka man naniniwala sa coronavirus
huwag kaming idamay sa paniwala mong lubos
"Wag kang pasaway!" kahit sumama ka lang sa agos
huwag pasaway pagkat magkasakit ay magastos

- gregoriovbituinjr.