Muli, ang pananghalian ko'y ensaymada
Malambot na tinapay at murang-mura pa
Pamatid-gutom, tatlong piso bawat isa
Kinse pesos lang ang lima, nakakagana.
Ang ensaymada'y pansagip sa kagutuman
Lalo't nagtitipid dahil sa kahirapan
Tangan ang diskarte sa abang kalagayan
Lalo't mahaba pa ang susuunging laban.
O, ensaymada, tunay nga kitang kakampi
Ng mga tulad kong tibak, ng masang api
Kaysarap mo maging sa mga binibini
Tama nga ang pasya kong ikaw ang binili.
Pangako ko'y igagawa kita ng tula
Pagkat sagot ka sa puso kong lumuluha
Pagkat tugon ka sa aking pangungulila
O, ensaymada, dakila ka't pinagpala!
- gregbituinjr.