ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
Kapag tila kabaong yaong kaha ng yosi
Tila kalusugan mo'y yaong pinuputakti
Pag isang yosi'y pilit sinindihan mo dine
Kapag nagkasakit ka'y sino nang masisisi
Ng mga nagmamahal, ikaw ba o ang yosi?
Hindi ba't paalala ng inyong pamahalaan
Pagyoyosi'y masama sa inyong kalusugan
Ang dulot nito'y sakit o kaya'y kamatayan!
Bakit ba sila'y tila di mo pinakikinggan?
Dahil ba walang kwenta kahit ang pamunuan?
Ah, lalagyan lang yaong kahang tila kabaong
Gayong ang mahalaga'y dama mong relaksasyon
Ng utak sa panahong tila nakakaburyong
Ngunit kung kalusugan na yaong nasusuong
Igigiit pa rin ba hanggang ika'y malulong?