Miyerkules, Mayo 5, 2021

Ginisang wombok





GINISANG WOMBOK

kaysarap ng inulam kong wombok o petsay Baguio
na sa isang sibuyas at bawang ay ginisa ko
pang-almusal, pananghalian, hapunan na ito
kahit isang wombok lang, pangmaramihang totoo

dito'y pumilas lang ako ng nasa sampung dahon
makapal pa ang wombok, pangsanlinggo yata iyon
tantya ko'y higit limampung dahon pa ang naroon
tamang pang-ulam para sa maraming nagugutom

kung dahon ng petsay sa Maynila'y pito o walo
baka ang sangkilong wombok ay animnapu't tatlo
kaya laking pasalamat ko sa wombok na ito
pagkat ilang araw din itong pagkain, panalo!

nagsaliksik ako hinggil sa wombok at maarok
ang iba pang uri ng petsay na dito'y kalahok
sa U.P. Diksiyunaryong Filipino'y walang wombok
idagdag ito sa diksyunaryo'y aking paghimok

tara, ang niluto kong ginisang wombok ay tikman
ako'y sabayan na rin ninyo sa pananghalian
tiyak madarama ninyo'y di lamang kabusugan
kundi masasarapan pa kayo't masisiyahan

- gregoriovbituinjr.
05.05.2021

Pangulo, hayaan ang mga community pantry

PANGULO, HAYAAN ANG MGA COMMUNITY PANTRY

di niya tanggap nasapawan ang pamahalaan
dahil din naman ito sa kanilang kabagalan
ng pagbibigay ng ayuda't napagdiskitahan
naman ay community pantry na nagdadamayan

bakit ba nagsisulputan ang community pantry
baka tingin ng masa, gobyerno'y wala nang silbi
tingin nila'y walang magawa ang gobyernong bingi
may pandemya'y nagugutom na ang masang kayrami

kaya magandang insiyatiba ang bayanihan
nagtutulungan, nagdadamayan ang taumbayan
kaygandang diwa, magbigay ayon sa kakayahan
at kumuha ayon sa iyong pangangailangan

ang pakiramdam ni Duterte'y nasapawan sila
nitong community pantry kaya binanatan na
tinawag na ignorante ang nag-oorganisa
ng mga community pantry, gobyerno'y nahan ba?

oo, tanong ng bayan, nasaan na ang gobyerno
alalahaning kayraming nawalan ng trabaho
alalahaning laksa ang nagugutom na tao
alalahaning ayuda sa tao'y atrasado

ngayon, community pantry ang napagdiskitahan
panawagan namin, huwag itong pakialaman
hayaan mo nang ang bayan ay nagbabayanihan
lalo'y kaytagal ng tulong mula pamahalaan

- gregoriovbituinjr.

Dapat mag-resign na si Teddy Boy Locsin

DAPAT MAG-RESIGN NA SI TEDDY BOY LOCSIN

bakit ka nagsori, Locsin, di ko maunawaan
kapit tuko ka pa rin sa pwesto mo, bakit naman
magsosori lang matapos Tsina'y iyong banatan
aba'y mas honorable pa kung nag-resign ka na lang

maganda na ang iyong ginawa't ipinakita
bilang senyales na di dapat manakop ang Tsina
sa West Philippine Sea, di pa upang pikunin sila
na pag napikon ay maglulunsad sila ng gera

kaya ka ba nagsori ay natakot kay Duterte
tatanggalin ka sa pwesto pag hindi ka nagsori
aba'y dapat nag-resign ka na lang bilang mensahe
at baka maituring ka pang taong honorable

nang magsori'y nagmukha kang walang paninindigan
para bang napunta ang bayag mo sa lalamunan
naggalit-galitan lang ba, at di pala palaban?
kung tao kang honorable, buting mag-resign na lang

subalit sinayang mo ang isang pagkakataon
di tulad ni Jose Abad Santos noong panahon 
ng Hapon, na di siya sumuko sa mga Hapon
sa harap ng anak ay pinaslang ng mga iyon

kapuri-puri ang ginawa kahit na mamatay
isa iyong pagkakataong bihirang ibigay
ng kasaysayan, ang pagkakataon mo'y sinablay
dahil ba sa pwesto'y nais mangunyapit pang tunay?

- gregoriovbituinjr.

Face mask sa ilalim ng dagat


FACE MASK SA ILALIM NG DAGAT

bukod sa upos ng yosi't plastik sa karagatan
pati mga binasurang face mask na'y naririyan
bakit ba karagatan ay ginawang basurahan
paano ito nangyari't sinong may kagagawan

dapat may patakaran kung saan lang itatapon
ang mga face mask at face shield pag binasura iyon
kawawa pati mga isdang face mask ay nilalamon
na ayon sa ulat, nahahalo sa lumot iyon

lalo't nagiging microplastic ang mga basura
sa dagat, na sa liit ay di natin nakikita
pag kinain ng isda, tanggalin man ang bituka
at kinain natin ang isda, aba'y paano na

kaya pagtatapon ng face mask ay dapat isipin
subalit may balita noong di dapat gayahin
nilagay daw sa unan ang face mask na binenta rin
sa murang halaga subalit ito'y mali't krimen

dapat magkaroon ng batas ang pamahalaan
kung anong tamang gawin sa mga face mask na iyan
o gumawa ng inisyatiba ang taumbayan
nang face mask ay di maging basura sa karagatan

- gregoriovbituinjr.