Lunes, Pebrero 20, 2023

Kumukulong tiyan habang naglalakad

KUMUKULONG TIYAN HABANG NAGLALAKAD

mula sa limang araw na lakad, kinagabihan
lamang talaga nailabas ang laman ng tiyan
ilang araw akong namamahay, talaga naman
para ngang nabunutan ng tinik sa lalamunan

at kanina, habang naglalakad ay kumukulo
ang tiyan kong tila ba may kung anong nagdurugo
animo'y lalabas na't puwitan ko'y sinasapo
kaya ramdam ko sa paglalakad ay hapong-hapo

talaga kong tiniis upang makasabay pa rin
sa paglalakad kundi sila'y aking hahabulin
mahirap mawala sa hanay, ito'y titiisin
mabuti't sa kalaunan, sakit ay nawala rin

danas na sa gunita'y di mag-iiwan ng sugat
kundi pangyayaring marapat lamang maisulat
aral ay kung anong paghahanda ang nararapat
kung kumulo muli ang tiyan o kung mamulikat

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Napagnilayan sa Teresa

NAPAGNILAYAN SA TERESA

di ka ba iiyak pag nakita mong sinisira
ang tahanan mong inalagaang buong tiyaga
ang kalikasang kayo yaong tagapangalaga
ang kabundukang nag-alay ng buong pagpapala

di ka ba tatangis pag nalaman mong winawasak
ang inyong lupaing ninuno ng mga may pilak
ang kagubatang kuhanan ng pagkain ng anak
ang mga kapwa katutubo'y laging hinahamak

di ka ba luluha pag namasdan mong tinitibag
ang inyong lupain at kayrami nilang paglabag
gayong sa Kaliwa dam ay di kayo pumapayag
na sa proyektong ito kayo'y di napapanatag

di ka ba magagalit na buhay ninyo'y sinadsad
sa ngalan ng tubo at ng sinasabing pag-unlad
wasto lamang na proyektong ito'y inyong ilantad
at paninindigan ng katutubo'y mailahad

di ka ba mapopoot sa mga dating pinuno
na kapalit ng pera, kayo'y ipinagkanulo
na salinlahi't kultura'y nagbabantang maglaho
dahil sa kanilang kagagawan sa katutubo

di ka ba kikilos hangga't may natitirang oras
upang labanan ang sistemang di pumaparehas
upang ipagtanggol ang kalikasang dinarahas
puno man ng sakripisyo ang inyong dinaranas

di ka pa ba kikilos para sa kinabukasan
ng susunod na salinlahi't ng kasalukuyan
sabay nating isigaw: Itigil ang Kaliwa Dam!
iparinig natin sa mundo: No To Kaliwa Dam!

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Hustisya sa katutubo at kalikasan

HUSTISYA SA KATUTUBO AT KALIKASAN
(Pebrero 20 - World Day of Social Justice)

mawawasak ang kalikasan, nahan ang hustisya?
tahanan ng katutubo'y wawasakin ba nila?
lupang ninuno'y sisirain, nahan ang hustisya?
sisirain din ba ang kinagisnan at kultura?

sa Daigdigang Araw ng Hustisyang Panlipunan
maiging ang mga ito'y ating mapagnilayan
malaking banta ang pagtatayo ng Kaliwa Dam
dahil apektado ang buhay nila't kabuhayan

sila'y kapwa tao rin, saan na sila tutungo?
di ba't kapatid din natin ang mga katutubo?
Sierra Madre'y tahanan nila't lupang ninuno
na sa proyektong Kaliwa Dam ay baka maglaho

kinabukasan nila'y kanilang pinagtatanggol
laban sa proyektong dulot ay buhay na masahol
proyekto mang iyan ay milyon-milyon ang magugol
nakataya'y buhay nila, di sila pasusuhol

ang buhay ng katutubo't kalikasang narito
pati lupang ninuno'y pinagtanggol na totoo
kaya sa paninindigan nila, ako'y saludo
inspirasyon sila kaya nanindigan din ako

kaisa sa laban nila't mahabang paglalakbay
upang maparating sa bansa ang kanilang pakay
"Itigil na ang Kaliwa Dam!" sigaw nilang tunay
sa mga katutubo'y taospusong pagpupugay

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023

* kinatha sa St. Rose de Lima Parish, na tinuluyan namin sa Teresa, Rizal

Pagdatal sa Teresa

PAGDATAL SA TERESA

maikling lakaran lamang ang Tanay at Teresa
kaya nang umalis kami ng Tanay ng umaga
ay naroon na kami sa simbahan ng Teresa
bandang ala-una, pananghalian ay doon na

sa lahat ng naglakad, taospusong pasalamat
nawa sa ating paglalakad, kayraming mamulat
na Sierra Madre'y pangalagaan nating lahat
huwag ibigay sa tuso't kapitalistang bundat

gayong uutangin lang nila sa Tsina ang pondo
magbabayad ay buong sambayanang Pilipino
winasak na ang kalikasan, nabaon pa tayo
sa bilyong utang na pagdurusahan ngang totoo

kaya panawagan natin, dapat lang makialam
para sa katutubo, kalikasan, sambayanan
di payagan ang walang budhi't walang pakiramdam
sa kapwa tao kundi sa kanilang bulsa lamang

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Ikalawang kamiseta

IKALAWANG KAMISETA

kagabi, kararating pa lamang namin sa Tanay
ikalawang kamiseta'y kanilang ibinigay
na tatak ay "Stop Kaliwa Dam" na aming pakay
na dapat naming kamtin sa mahabang paglalakbay

limang araw ko nang suot ang binigay sa Sulok
nanlilimahid na, marumi na dahil sa gabok
mabuti't may bago kaming tshirt, nakalulugod
sa natitirang apat na araw pa'y isusuot

kailangang lagi naming suot upang makita
ng masa't ng midya ang aming isyung dala-dala
makitang sa panawagan kami'y nagkakaisa
nagkakapitbisig sa layon, seryoso talaga

dahil buhay at kinabukasan ng katutubo
ang nakataya, lalo na ang lupaing ninuno
ang Sierra Madre'y isang kabundukang pangako
na ayaw nilang dahil sa dam tuluyang maglaho

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal