SANA'Y MAY LAMAN ANG MGA KALDERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
may mga kalderong nakatakip, may laman kaya?
paano kung naubos kanina, laman na'y wala
aba'y di na nakahigop ng mainit na sabaw
sana'y meron kahit bahaw at ulam na sinapaw
kung wala'y tingnan kung may bigas pa doon sa sako
kahit dalawang gatang ay ilagay sa kaldero
hugasan itong mabuti at iluto sa kalan
nang gutom na kanina pa'y iniinda'y maibsan
bigas pa rin ang isasaing, ang ulam ay tuyo
wala na bang iba, tuyong ito'y nakadudungo
kung sardinas naman, sawa na kami sa sardinas
lagi nang pang-disaster ang ulam, nakakabanas
ano, noodles na naman, aba'y wala na bang iba
mga pagkaing laging nagkukuta sa bituka
ah, mabuti pa'y magsapaw tayo ng okra't talong
na isasawsaw natin sa maalat na bagoong
masustansya kahit paano ang ating pagkain
sinaing ay ingatan nang di magtutong ang kanin
kumain upang di magutom ang tiyan at isip
tiyakin laging may laman ang kalderong may takip