Sabado, Agosto 17, 2024

Mag-isang nagdiriwang

MAG-ISANG NAGDIRIWANG

kalmado lang akong umiinom
ng Red Horse dito sa munting silid
pangatlong dekada'y nilalagom
katapatan ko'y di nalilingid

tatlong dekada na sa lansangan
tatlumpung taon na ng pag-iral
na yaring puso't diwa'y nahinang
sa pagbaka kahit napapagal

ah, sino kayang mag-aakala
sa dami ng dinaanang sigwa
sa rali'y ilang beses nadapa
narito pa ring lapat sa lupa

patalim man, balaraw o baril
sa pagbaka'y walang makapigil
hangga't prinsipyo'y nakaukilkil
tibak na makata'y walang tigil

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Wala nang boksing sa Los Angeles Olympics 2028

WALA NANG BOKSING SA LOS ANGELES OLYMPICS 2028

tagahanga raw ng Olympics umano'y nainis
dahil mayroon daw kilalang isports ang inalis

International Olympics Committee ang nagturing
sa sunod na Olympics na'y walang isports na boxing

inalis ng IOC ang ganap na pagkilala 
sa International Boxing Association (IBA)

na global governing body noong nagdaang taon
matapos ang maraming isyu'y iyon ang desisyon

wala munang boxing sa Quadrennial Sportsfest
sa susunod na Olympics doon sa Los Angeles

sana'y maibalik ang boxing dahil may panlaban
ang mga Pilipinong may kamaong katigasan

bagamat wala pa tayong gold medalist sa boxing
may gold medalists naman sa gymnastics at weightlifting

kaya mga isports na iyan ang ating tutukan
sa Los Angeles Olympics ay may mga panlaban

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate at Abante Sports, Agosto 15, 2024

Tokasi

TOKASI

muli, TOKASI - may TOyong KAmatis at SIbuyas
ang aking agahan upang katawan ay lumakas
habang pinanonood ko ang Alas Pilipinas
sina Jia, Sisi, Fifi, kung pumalo'y matikas

madaling araw natulog, at tirik na ang araw
nang magising, habang dinig ang mga pambubulyaw
ng kapitbahay, ang isa'y may asong binubugaw
habang may isa namang sa malayo nakatanaw

pagkakain ay baka pumunta munang palengke
o magtanggal muna ng mga agiw sa kisame
o labhan muna ang naipong labadang kaydami
habang mainit pa ang araw, ito ang diskarte

TOKASI ang agahan dahil iyan ang nariyan
pampakinis ng kutis, pampalakas ng katawan
paghahanda sa maraming trabaho sa tahanan
lalo na't Sabado, walang pasok sa pagawaan

parang "Ito kasi" tila paninisi sa akin
habang nilagang luya o salabat ang inumin
buting may laman ang tiyan sa dami ng gawain
pagkalaba saka na mag-isip ng uulamin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Agosto 17, 1994

AGOSTO 17, 1994

iyan ang petsa noong ako'y tanggapin nang ganap
at sumumpang sa masa't uri'y maglingkod ng tapat
ilang taon na akong tibak bago pa matanggap
petsang iyan ang birthday ko sa prinsipyong akibat

ngayong araw ay ikatlong dekada nang Spartan
pagbati sa sarili'y "Maligayang Kaarawan!"
patuloy lang sa tungkuling niyakap kong lubusan
tangan ang prinsipyo maging kapalit ay buhay man

patuloy sa pakikibaka, tuloy ang pagkatha
bilang Spartan, bilang atleta, bilang makata
bawat tula'y tulay ko sa paglilingkod sa dukha,
babae, vendor, bata, magsasaka, manggagawa

ah, tatlong dekada na nga ako sa araw na 'to
madalas, ipinagdiriwang ko ito ng solo
ngayon, isang tagay para sa iyo, katoto ko
sa samboteng serbesa'y magtig-isang baso tayo

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Payo ni Caloy

PAYO NI CALOY

magtiwala ka lang sa sarili
di man maniwala ang marami
gawin ang nararapat pa'y sabi
at tiyak na di ka magsisisi

iyan ang payo ni Carlos Yulo
sa nais mag-atletang totoo
susi sa tagumpay niyang ito
kaya Pilipino'y inspirado

magtiwala ka lang sa sarili
sa atin ay magandang mensahe
maniwala ka lang sa sarili
di ka luluha ng balde-balde

Carlos Yulo, ang pangalang iyan
ay naukit na sa kasaysayan
ng isports sa bunyi nating bayan
di ka mabibigo magsikap lang

Caloy Yulo, mabuhay! Mabuhay!
salamat ang tanging iaalay
taasnoo kaming nagpupugay
sa mga nakamit mong tagumpay

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Agosto 15, 2024, p.8

Si Bulaklak at si Bubuyog

SI BULAKLAK AT SI BUBUYOG

nang manligaw / kay Bulaklak / si Bubuyog
agad niyang / sinambit ay / "Aking irog!
Tanggapin mo / nawa yaring / niluluhog"
(parang manggang / manibalang, / di pa hinog)

"Aking hiling / ay sagutin / ako agad
at ikasal / agad tayo / yaring hangad!"
(sa lambanog / ay may pasas / akong babad
kung sa kasoy / ay prinsesang / nakalantad!)

ang Kampupot / ay nag-isip / namang saglit
"Narinig ko / anong iyong / sinasambit
ay, datapwat / ayoko nang / pinipilit
huwag munang / umasa kang / mapalapit"

"Ako nama'y / handa ngunit / di susuko
pagkat ikaw / lamang yaring / sinusuyo
sakali mang / ako'y sa'yo'y / mabibigo
ay talagang / nawarat na / yaring puso!"

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

* litrato mula sa google