Lunes, Pebrero 18, 2013

Paraiso Ba Ang Lungsod?

PARAISO BA ANG LUNGSOD?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paraiso ba ang lungsod na puno ng iskwater?
paraiso ba ang nagtatayugan nitong pader?
paraiso ba kung halang ang pinuno sa poder?
kung kahirapan ay di matugunan nitong lider?

paraiso ba ang lungsod ng mga batang gutom?
paraiso ba kung bibig ng namumuno'y tikom?
paraiso ba kung maraming kamao ang kuyom?
paraiso ba kung pangako'y pawang alimuom?

paraiso ba ang lungsod na kayraming dinukot?
di makita ng mga mahal na ngayo'y kaylungkot?
paraiso ba kung namumuno'y pulos kurakot?
at sa mga katiwalian laging nasasangkot?

paraiso ba kung dinudusta ang manggagawa?
kung lakas-paggawa'y di nababayarang tama?
paraiso ba ang lungsod kung kayrami ng dukha?
na pagkatao'y dinusta ng sistemang kuhila?

sa paraiso'y nagtutulungan ang bawat tao
sa bawat karapatan, ang lahat ay may respeto
binabayarang tama ang trabaho ng obrero
wala nang dukha't guminhawa na ang buhay nito

walang naiiwan sa kangkungan ng kasaysayan
lahat tayo'y may dignidad na di niyuyurakan
bawat isa'y pantay ang pagkatao't kalagayan
paraiso ang lungsod na walang mga gahaman