KAPITALISMONG MAPAGBALATKAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
aalwan na raw ang buhay ng sintang sambayanan
ang hatid daw ng kapitalismo'y kaginhawahan
gagawin daw moderno ang buong sangkapuluan
pagkatali sa lupa'y mawawala nang tuluyan
lahat daw ay kasama sa asam na kaunlaran
bumilis ang pag-unlad, naglalakihan ang tubo
ngunit hinati nito sa uri ang buong mundo
obrero'y naghirap, yumaman ang tusong hunyango
lakas-paggawa'y binarat, sila'y pinagkanulo
at natantong kapitalismo'y mapagbalatkayo
para sa ilan lang pala ang pangakong pag-unlad
sa kaalwanan ang madla'y nananatiling hubad
hanggang kabulukan nito'y unti-unting nalantad
pagkat pangako pala ng kapitalismo'y huwad
pagkat nakikinabang pala'y mga tusong tamad
ang mapagbalatkayong kapitalismo'y wasakin
at buong uring manggagawa na'y pagkaisahin
panahon nang rebolusyong sosyalista't tahakin
upang isang bagong lipunan ang ating buuin
at kapitalismong imbi'y tuluyan nang ilibing