Lunes, Disyembre 28, 2009

Di ako langgam na magtatampo sa asukal

DI AKO LANGGAM NA MAGTATAMPO SA ASUKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

hinahanap ko lagi ang tamis
ng pag-ibig pag nakikita ka
para bang naglulunoy sa batis
ang dama ng pusong sumisinta
ngunit hanggang ngayon nagtitiis
dahil bihira kang makasama
gayunman, di ako maiinis
ni maiinip sa iyo, sinta

pagkat minahal kitang lubusan
kahit na pagtugon mo'y kaytagal
lahat ay aking pagsisikapan
kahit katawan ko pa'y mapagal
di naman ako tulad ng langgam
na magtatampo pa sa asukal
mula sa iyo'y malaman ko lang
na ako din pala'y iyong mahal

Kung malunod ako sa dusa

KUNG MALUNOD AKO SA DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ikaw ba sinta ay malulugod
na ako sa dusa ay malunod
ako sa iyo'y naninikluhod
puso ko sana'y iyong mahagod

pagkat ako'y tuluyang luluha
pag ikaw sa akin ay nawala
baka baldeng luha ang magbaha
sarili ko'y aking isusumpa

huwag mong pababayaan, sinta
na ako ay malunod sa dusa
pangarap kong kita'y makasama
hanggang sa huli'y tayong dalawa

pag nilunod mo ako sa dusa
tandaan mong iniibig kita
tanging hiling ko lang, aking sinta
sana sa burol ko'y dumating ka

Kuyom na Kamao

KUYOM NA KAMAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kuyom na kamao'y tanda ng galit
sa sistemang sa tao nga'y kaylupit

kuyom na kamao'y hindi pagsuko
lalo't tayo'y nabahiran ng dugo

kuyom na kamao'y pagpapatuloy
sa adhikain nating nag-aapoy

kuyom na kamao'y pakikibaka
tungo sa pagbabago ng sistema

Tungkulin

TUNGKULIN
ni greg bituin jr.
14 pantig

may dalawa tayong tungkuling pagpipilian
na sa mundong ito'y dapat isakatuparan

ang maging makasarili o para sa bayan
maging gahaman o maging makamamamayan

kung sarili lang natin ang pakaiisipin
ay wala tayong pakialam sa kapwa natin

kahit may naghihirap di sila papansinin
di tulad ng may pakialam sa bayan natin

ang may pakialam ay nag-iisip kung paano
sila makatulong sa kanilang kapwa tao

ihatid ba sila sa landas ng kabutihan
o ibulid sila sa bangin ng kasamaan

ngunit mas magandang pamana natin sa masa
ay dangal at patuloy nating pakikibaka

na tulungan sila patungo sa kalayaan
at ilayo sila sa dusa ng kahirapan