Sabado, Pebrero 4, 2023

Tari

TARI

akala ko'y matigas na ang aking tari
sa sitsit lang ni misis ay agad uuwi
kahit nagpapayo pa'y malibog na pari
kahit kalaban pa'y trapong mapagkunwari

kahit maraming sakit na nararamdaman
kunwari'y wala lang, at bato ang kalamnan
sintigas ng bakal ang tingin sa katawan
sa sitsit lang ni misis, uuwing tahanan

sa kalsada'y tahimik, kung umasta'y astig
kahit pa payat ay matipuno ang bisig
may paninindigan at matikas ang tindig
sa sitsit lang ni misis ay naliligalig

ah, Takusa ba iyan o nagmamahal lang
tulad ng sibuyas, laging nagmamahalan
pag kasama si misis, pag-ibig ay ganyan
pag wala si misis, laging nasa bakbakan

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Tugon

TUGON

di ko masusunog yaring pakpak sa himpapawid
o sa mga lansangan sa aking bawat pagtawid
sapagkat sunog na ang kilay sa pagmamatuwid
ayokong masunog pa't nangitim na ang gilagid

ano kayang mensahe yaong nais pang ihatid
upang makaiwas na sa dilim ay mangabulid
sa ilang sagupaan, litid ko'y muntik mapatid
muntik mamate ng kalabang di agad nabatid

ano bang tugon sa suliraning sala-salabid
ay, di solusyon ang isabit ang leeg sa lubid
magtanong, makipagtalakayan, huwag maumid
makukuha rin ang perlas kung sa laot sisisid

sa madalas na pagninilay, biglang masasamid
tila may ibinubulong ang hangin sa paligid:
makipagkapwa lagi tayo't huwag maging ganid
magpakatao't kapwa'y huwag itaboy sa gilid

- greggoriovbituinjr.
02.04.2023

Paghahanap ng kita

PAGHAHANAP NG KITA

ayokong mangutang, ang kailangan ko'y trabaho
ayokong manghingi na lamang kung kani-kanino
kailangan ko ng pampagawa ng mga libro
magkatrabaho kahit tagalagay ng turnilyo

ayoko namang lagi lang nanghihingi kay misis
tangan ko pa ang dignidad ko't ayokong lumabis
aktibistang Spartan na buhay ay binubuwis
upang lipunang makatao'y mabigyan ng hugis

makita kaya ang hanap na trabahong may kita
basta nakakapagpatuloy bilang aktibista
basta di maninikluhod sa bulok na sistema
at basta sa kapwa tao'y di magsasamantala

dapat kumita upang may pampagawa ng aklat
habang nag-oorganisa ng dukha't nagmumulat
habang sa maraming isyu'y may isinisiwalat
habang sa niyakap na prinsipyo'y nanghihikayat

sa aktibistang pultaym na tulad ko'y anong bagay
tiyak mo bang sa ganyang trabaho'y mapapalagay
ang kalooban kong tila sakbibi na ng lumbay
dahil mga gawain ay di matustusang tunay

maaari rin ang trabahong pagsasaling-wika
mula sa wikang Ingles ay Tatagaluging sadya
masipag tumula ngunit walang kita sa tula
na tanging sinasahod lang ay sangkaterbang luha

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Tiwakal

TIWAKAL

pag niyurakan ninuman ang aking pagkatao 
na sarili'y di ko na maipagtanggol nang todo
mabuti nang magpatiwakal, tulad ng seppuku
sapagkat karangalan na ang nakasalang dito

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ako'y aktibistang laban sa mapang-aping uri
ako'y manunulat na laban sa mapang-aglahi
ako'y sepulturero ng sistemang naghahari

huwag mo lang sasagkaan ang aking paniwala
huwag mo lang yuyurakan ang prinsipyong dakila
tanging hinihiling ko lang ay inyong pang-unawa
na tibak ako't makata ng dukha't manggagawa

handa ako sa rali kahit walang pamasahe
propagandistang sa kalaban ay di pahuhuli
ngunit pag dangal ko na'y niyurakan nang matindi
madarama kong tiyak ako baga'y walang silbi

kaya ipagtatanggol ko ang aking iwing dangal
saanma'y dedepensahan, gaano man katagal
ngunit kung di na kaya, buti nang magpatiwakal
tulad ng makatang sa sariling kamay nabuwal

ang makatang Hapones na si Yukio Mishima
si Mayakovsky, sinasalin ko ang tula niya
Sylvia Plath, Ingrid Jonker, Hai Zi, Edward Stachura 
Lucan, Ernest Hemingway, Hart Crane, Misao Fujimura

ako'y nabubuhay, walang pribadong pag-aari
ugat iyan ng kahirapan, di mo ba mawari?
ako'y magpapatiwakal pag nawasak ang puri
sa prinsipyo'y tapat, di kakampi sa naghahari

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023