PAGDALO SA RIGHTS OF NATURE GENERAL ASSEMBLY
dadaluhan ko'y Rights of Nature General Assembly
nang mabatid ito'y di na ako nag-atubili
kinontak sila't ako'y talagang agad nagsabi
dahil kahalagahan ng isyu'y aking namuni
dalawa't kalahating araw itong talakayan
mga tagapagsalita'y pakikinggang mataman
lalo sa usaping karapatan ng kalikasan
na noon pa'y nadama ko nang dapat pag-usapan
ang mga ilog nga'y di lang bagay pagkat may buhay
dumihan mo ito't maraming isdang mamamatay
tulad ng Ilog Pasig na basura'y nahalukay
at wala nang mga isdang doon ay nabubuhay
ang karagatan ay tinadtad ng basurang plastik
na napagkakamalang pagkain at sumisiksik
sa tiyan ng lamang dagat at isdang matitinik
di ba't ang kalikasan ay marunong ding humibik?
nariyan din ang bundok tulad ng Sierra Madre
na may karapatang manatili sa ating tabi
sumasangga sa kaylakas na unos, nagsisilbi
sa atin bilang kalasag sa bagyong matitindi
tapunan ba ng upos ng yosi ang mga sapa
ang mga katubigan ba'y tapunan ng basura
kinalbo ang mga bundok dahil sa pagmimina
hanggang kapaligiran nito'y tuluyang nagdusa
kaya sa pagtanggap sa akin, maraming salamat
makakadalo rito't sa iba'y makapagmulat
Rights of Nature ay karapatang dapat madalumat
upang kalikasan ay mapangalagaang sukat
- gregoriovbituinjr.
03.20.2023
* Ang Rights of Nature General Assembly (RoN) ay gaganapin mula Marso 21 hanggang 23, 2023. Pinangungunahan ito ng Global Alliance for the Rights of Nature (GARN), NASSA/Caritas Philippines, Philippine Misereor Partnership, Inc. (PMPI), at Rights of Nature PH