Biyernes, Hunyo 6, 2025

Ang payo ni Inay

ANG PAYO NI INAY

tanda ko pa ang sinabi ni Inay noon
huwag mong basta pahihiramin ng payong
ang taong kilala ka lang pag umuulan
bagay na di ko pa noon maunawaan

tulad ngayong tag-ulan o kaytinding sigwa
sa pagsaklolo, ako kaya'y nakahanda
aba'y dapat may sarili rin silang payong
mawawalan ako pag pinahiram iyon

subalit payo niya'y naunawaan ko
pag binaha ka, sinong tutulong sa iyo
katotong tunay man ay kayhirap mahanap
katotohanan itong marahil kaysaklap

payo rin niya'y matutong magpasalamat
munti man ang tulong sa problemang kaybigat
pag nabigyang lunas, ang puso mo'y palagay
tulungan din ang nangangailangang tunay

maraming salamat sa sinumang nag-ambag
ng tulong sa asawa kong nasa ospital
ang payong ninyo'y pinahiram sa tulad ko
na nasa unos ng buhay, kaytinding bagyo

salamat, payong na ito ay ibabalik
upang magamit ng sinumang humihibik 
ng tulong sa panahong kinakailangan
iyan ang pangako ng makatâ ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* litrato mula sa google

Nilay ng tibak na Spartan

NILAY NG TIBAK NA SPARTAN

kahit nadarama ang panghihina
ay malakas pa rin, di nanlalata
kunwari ay walang nararamdaman
kahit na nanghihina ang katawan

ano nga kaya ang nasasadiwa 
ng tibak na Spartan at makatâ 
di raw nanghihina, laging palaban
at mandirigma sa larangang tangan

subalit dapat din namang isipin
kaligtasan at kalusugan natin
mula ulo, katawan, hanggang paa
huwag ipagkaila ang nadama

pag ulo'y masakit o nahihilo
sa isang tabi'y uupo lang ako
nagpapahinga, iinom ng gamot 
upang lumakas, upang di manlambot

pagkat di dapat makita ng madla
na tulad kong tibak ay nanghihina
agad nang gagamutin ang sarili
kaya sa iba'y di na nagsasabi 

sakaling mata'y bigla lang pumikit
mamamatay akong di mababatid
subalit tula ko'y di mamamatay
balang araw, babasahin ding tunay

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

Dalawang aklat ng glosari

DALAWANG AKLAT NG GLOSARI

dinaluhan ko minsan sa UP
ang isang forum sa pagsasalin
doon ay akin namang nabili
ang dalawang aklat ng glosari

muling nabuhay yaong mithiin
kong mag-ambag sa sariling wika
mga librong ito'y babasahin
upang kaalama'y palaguin

iambag sa pagkwento't pagtula
ang mga salita kong nalaman
lumawak ang kabatira't diwa
sa glosari ng mga salita

na hinggil sa pagpaplanong urban
at rehiyonal, sa paggawa ng
damit, kaygandang maunawaan
ng tulad kong makata ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* nabili ang 2 aklat sa forum ng Kasalin Network, sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Mayo 27, 2025

Bituin

BITUIN

inaaral ko rin ang nasa kalangitan
tumitingala sa langit paminsan-minsan
pagmamasdan ang mga bituin at buwan
habang sikat na tula'y bibigkasin naman:
"Buwan, Buwan, hulugan mo ako ng sundang!"

naisip ko ring ganitong tula'y dagdagan
habang astronomiya'y pinag-aaralan
"O, Bituin, apelyido ng aming angkan
bawat kutitap mo'y ningning sa kalangitan
ako kaya'y apo mo na sa talampakan?"

hiingi ko'y paumanhin, mga mambabasa
miinsan, sa seryosong paksa'y nagpapatawa
bituin, Balatas o Milky Way,  kometa
buwan, bulalakaw, Venus, astronomiya 
na nais aralin at itula talaga

sa karimlan mo matatanaw ang bituin 
nagniningning sa pagsapit ng takipsilim
tila ba ito'y pag-asa sa suliranin 
matapos ang unos sa buhay, lilitaw din
na sa kalangitan ay lalambi-lambitin

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* litrato mula sa google