Biyernes, Hunyo 25, 2021

Tara, magkape tayo

TARA, MAGKAPE TAYO

tara, paminsan-minsan naman ay magkape tayo
habang naghuhuntahan, palitan ng mga kwento
ano na bang pagtingin mo sa nagsulputang isyu?
na pag pinatulan natin, di ba tayo dehado?

tarang magkape matapos ang gawain sa bukid
magkape dine sa dampa, may upuan sa gilid
anong magandang balita ang iyong ihahatid
anong ulat at kwentong sa atin ay nalilingid

napapag-usapan lang naman habang nagkakape
habang sa maraming gawain ay dumidiskarte
paano ang pagsulong upang di agad mamate
ng tuso't katunggaling talaga namang salbahe

nakabungad sa himpapawid ang nagliliparang
mga ibong tila nagkakatuwaan na naman
habang nariyang tumilaok ang alagang tandang
upang ipabatid ang animo'y di mo pa alam 

ano ang nais mong kape, KOPIKO o KOPIMO?
o Great Taste, Jimms, o kaya naman ay kapeng barako
minsan, mahalagang magpalitan ng kuro-kuro
sa panahong dapat mapakinggan ang ibang kwento

- gregoriovbituinjr.
06.25.2021

Pakiusap sa dyip

PAKIUSAP SA DYIP

agad kong nilitratuhan ang pakiusap sa dyip
na nasakyan ko't sa budhi'y talaga ngang tumirik
isuot ng maayos ang inyong face mask at face shield
dahil drayber ang hinuhuli't bibigyan ng tiket

pakisama na natin sa drayber gawin ang wasto
nang makapasada sila't kumita ring totoo
para rin sa kalusugan ng bawat pasahero
at di rin naman magkahawaan ang mga ito

huhulihin sila't titikitan dahil sa atin?
mali man ito o tama'y dapat tayong may gawin
simpleng pakiusap lang naman nila'y ating dinggin
nang walang balakid sa biyahe't makauwi rin

sundin lang natin ang pakiusap ng tsuper, tara
upang pare-pareho tayong di naaabala
sa patutunguhan ay agad tayong makapunta
at sila'y patuloy sa kanilang pamamasada

- gregoriovbituinjr.
06.25.2021
* litratong kuha sa dyip na nasakyan

Ang wastong paghihinaw

ANG WASTONG PAGHIHINAW

karatula'y naroon sa lababo sa palengke
na nagpapaalalang maghinaw tayong maigi
kamay daw nga'y hugasang wasto yaong pasintabi
sa labas man o sa bahay, sa araw man o gabi

simpleng panawagang palaging sinasambit-sambit
upang di raw magkahawaan ng perwisyong COVID
baka kasi may virus ang sa iyo'y kumalabit
mabuti't may gripo sa palengke't di nalilingid

di lang sa palengke, kundi sa radyo't telebisyon
maging sa mga dyaryo'y pinapatalastas iyon
panawagan sa buong bayang sadyang nilalamon
nitong virus kaya sa babala tayo'y tumuon

COVID ay bantang parang itatarak na balaraw
sa panahon ng pandemyang kayraming pumalahaw
dahil buhay ay wala sa panahong inaagaw
ni Kamatayan, kaya mag-ingat, tayo'y mahinaw

sapagkat paraang ito'y pagbabakasakaling
makaligtas sa COVID, virus ay di manatili
tunay na anong hirap damhin ang mga pighating
dinanas na kamatayan yaong mamumutawi

- gregoriovbituinjr.
06.25.2021
* litratong kuha sa isang palengkeng nadaanan