Linggo, Marso 6, 2022

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

nakakabagabag na sa tao
ang klimang nagpapabago-bago
tumitindi ang danas na bagyo
na sa madla'y nakakaapekto

mga nasalanta'y nagtitiis
sa panahong nagbabagong-hugis
kaya sigaw ng tao'y di mintis
sa panawagan ng Climate Justice

at sa pandaigdigang usapin
climate emergency'y talakay din
pag-iinit ng mundo'y isipin
1.5 degree'y huwag abutin

sa mukha ng nasalanta'y bakas
ang sigwang kanilang dinaranas
Climate Justice ang sa puso'y atas
para sa mundo, bayan, at bukas

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022

Sa kawayanan

SA KAWAYANAN

napatitig ako sa kawayan
nang mapadalaw sa pamayanan
ng maralita sa isang bayan
at kayrami kong napagnilayan

kalikasan, alagaan natin
kapaligiran, ating linisin
paano ang dapat nating gawin
nang luminis ang maruming hangin

nakakahilo na ang polusyon
sa mga lungsod, bayan at nayon
dapat may magawa tayo ngayon
para sa sunod na henerasyon

sa kawayanan ay napatitig
nanilay, dapat tayong tumindig
halina't tayo'y magkapitbisig
para sa kalikasan, daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022
- litratong kuha ng makatang gala sa isang sityo sa Antipolo

Walden kina Baby Marcos at Baby Duterte

WALDEN KINA BABY MARCOS AT BABY DUTERTE

tinawag ni Walden Bello sa paraang masiste
ang mga umano'y takot dumalo sa debate
binanggit sina Baby Marcos at Baby Duterte
na magtutuloy sa neoliberal na diskarte

una nilang debate sa pagka-Bise Pangulo
"Sara is a coward" yaong banat ni Walden Bello
pagkat wala sa debate si Sara, di dumalo
kaya natawag pa niyang Baby Duterte ito

kaytindi ng dating sa madla ng kanyang tinuran
nakayanig sa masa ang gayong katotohanan
mga trapo't dinastiya'y kanya pang inupakan
nadama natin ang tapat niyang paninindigan

si Walden Bello, kandidato ng dukha't paggawa
propesor, kritiko, maalam sa maraming paksa
na may samutsaring librong pawang kanyang inakda
at nararapat maging Bise Pangulo ng bansa

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa isang forum