MGA KALABIT-PENGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
napakarami nang kalabit-penge
na kaunting barya mo'y hinihingi
palad ay nakalahad, nakangiti
tandang sila'y nagbabaka-sakali
kung sino-sino ang kinakalabit
kahit kamay na'y sa rusing kaylagkit
ang kaunting barya mo'y hinihirit
maibsan lang ang gutom na kaylupit
di lang naman mga batang lansangan
itong kalabit-penge sa lipunan
minsan kahit na mga kaibigan
pati mga tibak na kasamahan
umabot na sa krisis ang sistema
gayong mga produkto'y sobra-sobra
kayang pakainin ang buong masa
di makakain dahil walang pera
sadyang nakakawala ng dignidad
bilang tao pag kamay nakalahad
lipunan ay patuloy sa pag-unlad
ngunit ang lahat sa mundo'y may bayad
tapusin na ang pagkalabit-penge
ninakaw nito'y pagkatao't puri
ganito'y di na dapat manatili
wakasan na itong lipunang imbi