Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Tula sa Climate Pilgrimage

TULA SA CLIMATE PILGRIMAGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

magkasama sa Climate Walk noon
hanggang sa Climate Pilgrimage ngayon
upang ipagpatuloy ang misyon
para sa Climate Justice na bisyon

magpapatuloy sa bawat hakbang
daanan man ay gubat at parang
ang matataas mang kabundukan
ang patag at magulong lansangan

pumarito na at paparoon
dala sa puso'y mabuting layon
dala sa diwa'y kamtin ang bisyon
dala sa paa'y tupdin ang misyon

danas man ay sakripisyo't luha
damhin ma'y malasakit at tuwa
tangan sa dibdib yaong adhika
para sa daigdig, kapwa't bansa

sadyang nagkakaisa ngang tunay
na itutuloy ang paglalakbay
ihahasik sa kapwa ang gabay
na Climate Justice na aming pakay

Pagsintang walang lubay

PAGSINTANG WALANG LUBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytagal na panahong pagsinta'y hinintay
hanggang ngayon, patuloy pa ring nagninilay
sakali mang sa iyo, ako’y magtagumpay
di ako papayag na tayo'y magkawalay

walang iwanan, pagsinta ko'y walang lubay
panata ko'y di tayo magkakahiwalay
puso'y kayrami nang dinanas, nangangalay
kung mawawala ka, tunay ko iyong lumbay

Takot akong mawala ka, sinta

TAKOT AKONG MAWALA KA, SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit kayhirap mong mawala sa aking paningin
gayong sinta ko'y hindi ka pa naman naging akin
inalay man sa paanan mo ang mga bituin
subalit di mo pa rin akong magawang sagutin

walang forever, ikamo, walang magpakaylanman
marami pang babaeng higit pa sa iyo riyan
ngunit ikaw ang diyosa ng pusong kainaman
na pag nakita'y lulukso-lukso sa kasiyahan

kaya di ko madalumat pag ikaw na'y nawalay
tila daigdig ko'y pinalibutan na ng lumbay
malakas man ang katawan ko'y tila nakaratay
sa banig ng karamdamang iwing puso'y may latay

takot akong tuluyan kang mawala, aking sinta
ikaw ang aking paraisong laging nadarama
mananatili ka lang bang pangarap ko tuwina
o nadarama ko'y papalitan mo ng ligaya