Biyernes, Hunyo 11, 2021

Maging mahinahon

MAGING MAHINAHON

nag-init na naman ako nang mawalan ng tinta
ang gamit kong bolpen, talagang nakakadismaya
dahil yaong nasa utak ay malilimutan na
mula sa haraya'y taludtod na tila mahika

mabuti na lang at si misis ako'y sinabihan
huwag mainit ang ulo, problema'y anong gaan
mamaya lang, bagong bolpen ako'y kanyang binigyan
di lang isa, di lang dalawa, kundi maramihan

sa pagsagot ng sudoku, ang tinta na'y nawala
naubusan na ng tinta sa pagkatha ng tula
at pagminuto sa pulong ng manggagawa't dukha
maging mahinahon upang problema'y di lumala

ang bolpen ay talagang nauubusan ng tinta
ngunit huwag hayaang maubusan ng pasensya
tulad ng pagkaubos ng manibalang na mangga
na puno'y sa susunod na taon pa mamumunga

huwag daanin sa init ng ulo, ani misis
ang anumang kawalan ay kaya nating matiis
at sa pagiging mahinahon ay huwag magmintis
kung bolpen mo'y walang tinta, gamitin muna'y lapis

- gregoriovbituinjr.
06.11.2021

Soneto sa mga kamote ng lansangan

SONETO SA MGA KAMOTE NG LANSANGAN

Bakit wala kayong helmet na nagmomotorsiklo?
Nakita ni Ka Nelly Tuazon ay sadyang seryoso
Pag nadisgrasya ba kayo'y sinong sisisihin n'yo?
Kayhirap masakuna't baka mabagok ang ulo

Kapatid ng bayaw ko'y walang helmet, nadisgrasya
Pagkat may biglang tumawid na bata sa kalsada
Biglang preno ng motorsiklo't tumilapon siya
Nabagok, nadala pa sa ospital, namatay na

Minsan, disgrasya'y di maiwasan, di man kumurap
Pamilya ba'y handa pag buhay nawala sa iglap?
Na kung nag-helmet lang sana'y baka buhay pang ganap
Ah, disgrasya'y pumapatay nga ng mga pangarap

Ang hinihingi ng kasama'y simple lamang naman
Mag-helmet na kayo, mga kamote ng lansangan!

- gregoriovbituinjr.
06.11.2021

Palaisipan

PALAISIPAN

palaisipan ang maraming nangyayari noon
na di mo batid bakit nauulit pa rin ngayon
kung nais marinig ang awitan ng mga ibon
puno'y itanim, palayain sila't di ikulong

paano nga ba sasagutan ang bawat sudoku
kung nababalisa kang makakita ng numero
nakakabalisang lalo ang gawain ng trapo
na magpayaman lang sa poder ang kita ng tao

kayraming nagyoyosi, sa gasul pa magsisindi
hirap ba sila't posporo'y di pa nila mabili
katawan ko'y kaybigat, nais kong magpamasahe
matiyak ko lang may pambayad ako't pamasahe

pag napuno na'y dapat nga raw kalusin ang salop
lalo na't tiwali sa kabang bayan ang natutop
lalo't sa pandarambong mga trapo'y anong sinop
habang kayraming mamamayan yaong nagdarahop

ang buhay ni Archimedes ay napag-aralan ko
na sa panahong sinauna'y bantog na sa mundo
nagkakalkula ng solusyon sa math, inistorbo
ng kawal ng kalaban at pinaslang ngang totoo

sa krosword nga'y kayrami kong nabatid na salita
na ginamit kong sadya sa panahong napapatda
sa bawat pagkatha ng kwento, sanaysay at tula
haraya'y nariyan kahit nakapangalumbaba

- gregoriovbituinjr.
06.11.2021

Pagmumuni-muni

nakalikha muli ng talon ang nagdaang bagyo
sa bundok habang narinig kong umaalimpuyo
sa karagatan, at pagbaha sa lungsod na ito
na di ko batid kung mga nasalanta'y paano

lumambot ang lupang dati'y aspaltadong kaytigas
na animo'y pinagpapalo ng bagyong kayrahas
nahintakutan ang mga astig at maaangas
na di malaman anong gagawin, saan pupulas

anang paham sa kawikaan niyang anong rikit
bato-bato sa langit, tamaa'y huwag magalit
habang nalulumbay akong walang masambit-sambit
kundi sana'y matulungan din ang kawawang pipit

ika nga, di tayo sinusukat sa ating lungkot
o kaya naman ay sa pag-iisa't pagkabagot
kundi sa labanan kung saan tayo nasasangkot
para sa panlipunang hustisyang masalimuot 

di malilimot ang buhay sa nagisnang panahon
obrero'y biktima pa rin ng kontraktwalisasyon
umulan ma't umaraw, sa bawat isyu'y tutugon
hanggang malutas ang problema't tayo'y makabangon

- gregoriovbituinjr.
06.11.2021

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

anong tamis ng ngiti ng diwata niring buhay
habang nakatalungko lamang ako't nagninilay
araw-gabi ang gawain ng makata ng lumbay
na taludtod at saknong ay pinagtatagning husay

kapara ng ngiti'y asukal na di napaparam
na habang nagsusuyuan ay para kaming langgam
buti na lang, walang ibang nangangagat na guyam
matamis na suyuan ay kaysarap ngang manamnam

tumingala't pinagmasdan ko ang langit na bughaw
diwata'y nagsisilbing init sa gabing maginaw
siya ang preno sa pagmamaneho kong magaslaw
ang ligaya ng makata ng lumbay sa tag-araw

patuloy raw niyang babasahin bawat kong tula
na produkto ng haraya, ng dusa ko't pagluha
na mula sa dibdib na dama ang ligaya't tuwa
ah, patuloy lang ako sa tungkuling magmakata

- gregoriovbituinjr.
06.11.2021