Huwebes, Marso 2, 2023

Nakatitig muli sa langit

NAKATITIG MULI SA LANGIT

kung hindi man daw sa kisame
nakatitig muli sa langit
kanila iyang sinasabi
palad ko ba'y ganyan ginuhit?

nakatunganga sa kawalan
tila raw natuka ng ahas
ano kayang binabantayan?
may swerte kayang namamalas?

sarili'y dedepensahan ko
laban sa akusasyon nila
isipan ko'y nagtatrabaho
sa paksang para sa hustisya

langit ay pilit inaabot
ng kamay kong sanga ng puno
itatala nang di malimot
ang paksang di dapat maglaho

maya-maya lang itutula
ang anumang nadadalumat
madalas mang nakatulala
sa diwata kong kasapakat

oo, ang musa ng panitik
ang bumibigkis ng paksain
mamaya'y aking itititik
ang sa diwa ko'y uusalin

- gregoriovbituinjr.
03.02.2023

Bisig ang unan ko

BISIG ANG UNAN KO


sanay na akong unanan ang aking bisig

subalit nagtataka sa akin si misis

na tila baga di ko siya naririnig

"Mag-unan ka!" ang sa akin ay kanyang sambit


nahirati na kasi akong inuunan

ang bisig ko pag natulog na sa higaan

iyon man ay kama, o bangkô, o banig man

madalas sa akin siya'y nakukulitan


nasanay ako noong matulog sa banig

sa bahay sa lungsod, lalawigan, at bukid

nang lumaki'y sa piketlayn, sa gilid-gilid

nakakatulog na basta mata'y ipikit


kaya bumili siya ng unan at punda

upang ako raw ay mag-unan na talaga

ngunit madalas nakakalimutan ko pa

ang mag-unan, bisig ang kanyang nakikita


ginhawang dala ng unan ay kailan ko

raw mauunawa't tatanggaping totoo

siya ang nahihirapan at nanlulumo

na bisig pa rin ang inuunan ko rito


nakasanayang ito'y mabago pa kaya

na pag nag-unan ay makadamang ginhawa

pag unan ang bisig, tila kasama'y mutya

sa panaginip kong may dalang saya't luha


- gregoriovbituinjr.

03.02.2023