Lunes, Mayo 29, 2023

Bente pesos na bigas, trenta pesos na kanin

BENTE PESOS NA BIGAS, TRENTA PESOS NA KANIN

bente pesos na bigas / ang pangako sa atin
pangako sa eleksyon / ay di na ba kakamtin?
boladas lang ba iyon / na pang-uto sa atin?
habang trenta pesos na / ang isang tasang kanin

ito ba'y isang aral / sa dukhang mamamayan?
mga trapo'y nangako / sa turing na basahan?
upang manalo lamang / sa nangyaring halalan
nabulag sa pangako / ng trapo't mayayaman?

ay, ano nang nangyari? / nagpabola't nabola?
matagal nang pag-iral / ng trapong pulitika?
kung dati limangdaang / piso raw bawat isa
ngayon naman ay naging / libo na, totoo ba?

trenta pesos ang kanin, / bente pesos na bigas
ang pangako sa masa, / pangako ba ng hudas?
na sadyang ipinako? / kamay kaya'y maghugas?
masabunan pa kaya? / at sa puwet ipunas?

- gregoriovbituinjr.
05.29.2023

Nilay sa karapatan

NILAY SA KARAPATAN

mahalaga ang pinag-usapan
sa asembliya kong dinaluhan
hinggil sa pantaong karapatan
at samutsaring isyung pambayan

dito'y sinikap kong magsalita
at ibahagi ang nasa diwa
lalo na karapatan ng madla
pati na ang usaping pangwika

nagbahagi sa mga sirkulo
sa bawat isyu sa bawat grupo
sayang naman kung napipi ako
sinabi ang nasasaisip ko

makinig ka muna sa umpisa
at pag may pagkakataon ka na
basta umangkop sa isyu't linya
magsalita't makikinig sila

ganyan naman dapat pag may pulong
huwag sa sulok bubulong-bulong
magsalita baka makatulong
upang di tayo mag-urong-sulong

- gregoriovbituinjr.
05.29.2023

Coffee, tea or me?

COFFEE, TEA OR ME? SYEMPRE, IKAW NA 'TE!

minsang kasama si misis ay nag-deyt kami
magkaharap sa lamesa, di magkatabi
paskil sa kanyang likuran: Coffee, Tea, or Me?
aba'y syempre YOU sa kanya'y aking sinabi

pag di siya kasama, may pagpipilian
kape man o tsaa ay iinumin naman
subalit pag si misis na ang naririyan
na talagang pipiliin ko'y siya lamang

ah, kapara ko'y ang makatang si Balagtas
na nagsabi na noon: "Sa loob at labas
ng bayan kong sawi", ngunit ang nilalandas
ay pagsintang parang maong na walang kupas

- gregoriovbituinjr.
05.29.2023