P85 WAGE INCREASE, IBIGAY NA!
nang magpetisyon itong / mga kapitalista
walumpu't limang piso'y / ipinagdadamot na
regional trial court nga'y / di saklaw ang sistema
kaya dagdag-sahod na'y / napatigil, namputsa!
gutom yaong pamilya / ng mga manggagawà
kapitalista'y sadyang / nais silang lumuhà
burgesya'y nagkampihan, / obrero'y kinawawà
imbes na dagdag-sahod / ay ibigay ng tamà
ang nangyayaring iyan / kung pakaiisipin
ay gawain ng budhing / kasing-itim ng uling
kaya sistemang bulok / ay dapat nang baguhin
upang di madehado / ang manggagawa natin
kaya ako'y sasama / sa anumang pagkilos
laban sa pang-aapi't / mga pambubusabos
pag puno na ang salop, / kalusin nang matapos
ang ganyang kalakaran, / nang masa'y makaraos
- gregoriovbituinjr.
09.16.2026
