Martes, Disyembre 10, 2024

Huling gabi na sa ospital

HULING GABI NA SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na gabi
sa ospital, narito pa kami
huling gabi na ito, ay, huli
salamat at uuwi na kami

nawa dito'y di kami bumalik
ni misis, sa bahay na'y pumanhik
paggaling niya'y tangi kong hibik
na sa tula'y aking itititik

tapos na ang apatnapu't siyam
na araw at gabi sa ospital
hibik ko'y tuluyan nang maparam
ang iniinda niyang kaytagal

masasabi ko'y pasasalamat
sa nagsitulong, sa lahat-lahat
nangyaring ito'y nakapagmulat
sa aking kayraming nadalumat

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024

Apatnapu't siyam na araw sa ospital

APATNAPU'T SIYAM NA ARAW SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na araw at gabi
sa ospital na ito't pauwi na kami
silid na ito'y ginawa ko nang aklatan
habang bantay kay misis na may karamdaman

mapapaluha ka sa presyong tila ginto
sa gastos sa ospital, para kang natanso
aba'y sadyang tumpak ang kasabihang iyon
"Bawal magkasakit" sa patalastas noon

at ngayong Araw ng Karapatang Pantao
ang huling araw at gabi na namin dito
hinihintay lang ang mga reseta't bilin
ng mga doktor bago kami paalisin

dugong malapot sa bituka'y pinalabnaw
sunod na pagtistis ay mayoma naman daw
na panibago rin naming paghahandaan
lalo ang gastusin, malaking kabayaran

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024