Biyernes, Enero 3, 2025

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS

pag tinali, tinalo, tinola ang labas
pulutan sa alak o kaya'y panghimagas
isinabong ang tandang sa labanang patas
subalit sabungero'y tila minamalas
alaga'y ginawang tinola nang mautas

tinali, tinalo at tinola'y tinala
na tila magkakaugnay silang salita
na sa masa ito'y madaling maunawa
tatlong pantig na nilalaro ang kataga
makata ba'y may nakikitang talinghaga

kaytagal mong inalagaan ang tinali
subalit sa sabungan ay agad nasawi
sapagkat pakpak nito'y nagkabali-bali
at pati leeg nito'y nahiwa ng tari
kaya ang tinali sa tinola nauwi

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

Ang matematika ay sipnayan

ANG MATEMATIKA AY SIPNAYAN

matematika pala'y sipnayan
habang aritmetika'y bilnuran
trigonometry ay tatsihaan
habang geometry ay sukgisan

statistics ay palautatan
iyang algebra ay panandaan
set algebra ay palatangkasan
habang ang calculus ay tayahan

fraction naman ay bahagimbilang
ang salin ng physics ay liknayan
ang chemistry naman ay kapnayan
habang biology ay haynayan

nang mga ito'y aking malaman
ay agad kong napagpasiyahan
pagsasalin ay paghuhusayan
upang magamit sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

Goodbye Daliri

GOODBYE DALIRI

Goodbye Daliri ba ang paputok na iyon
na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon
subalit daliri niya yaong nataboy
nasabugan ng labintador, ay, kaluoy

bagamat sa komiks iyon ay usapan lang
subalit batid natin ang katotohanan
sapagkat maraming naging PWD
nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi

dahil sa maling kultura't paniniwala
ay maraming disgrasya't daliring nawala
di naman babayaran ng kapitalista
ng paputok yaong pagpapagamot nila

sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago
nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025

Pag-iipon sa tibuyô

PAG-IIPON SA TIBUYÔ

sa tibuyô, barya'y inipon ko
pawang dalawampu't sampung piso
pambili ng pagkain at libro
lalo na't mga aklat-klasiko

sa tibuyo'y ihuhulog ko na
ang anumang barya ko sa bulsa
wala lang doong piso at lima
inipon na'y malakihang barya

tibuyo'y di lang bangkong pambata
kundi alkansya rin ng matanda
kagaya kong tigulang na't mama
mabuting may ipon kaysa wala

dapat laanan din ng panahon
ang pagtitipid upang paglaon
nang may madukot pag nagkataon
pag kakailanganin mo iyon

may mga libro akong kayrami
na mula sa tibuyô nabili
kaya ngayon ako'y nawiwili
magbasa-basa't magmuni-muni

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilang alkansya