Biyernes, Marso 26, 2021

Ibasura ang marahas na batas!

bakit ba Anti-Terror Law ay dapat ibasura
dahil na rin sa gagong rehimen, ito'y maskara
manunuligsa'y ituturing nilang terorista
pati kritikal mag-isip na mga aktibista

ito ang rehimeng ayaw ng kara-karapatan
nagpauso ng walang proseso't mga pagpaslang
pangulong nagsabing kung walang baril, ito'y lagyan
at kung nagsusumamo'y sabihing sila'y nanlaban

nakababahala ang uhaw sa dugong pangulo
pandepensa sa sarili niya'y Anti-Terror Law
ang dati ngang tatlong araw sa mabigat na kaso
ay ikukulong ng dalawang linggong walang kaso

walang pakialam sa pagdedesisyon ang korte
kung sino nga ba ang terorista kundi komite
na binuo ng batas, sinong makapagsasabi
kung tama ang pasya, aktibista'y inaatake

batas na ito'y di lang terorista ang puntirya
kundi tutuligsa sa rehimeng bastos talaga
na kultura ng pagpaslang ay pinauso sa masa
ah, ang rehimeng ito ang tunay na terorista

ang pangulo'y di hari, maraming butas ang batas
kitang-kitang karapatang pantao'y dinadahas
sunud-sunuran na lang sa bu-ang ang mga ungas
ah, dapat nang ibasura ang marahas na batas!

- gregoriovbituinjr.

Basa ang lupa, tuyot ang puso

basa ang lupa subalit tuyot ang mga puso
ng mga tutang ang kamay ay may bahid ng dugo
walang proseso, nilagyan pa ng tingga ang bungo
ng mga walang laban, buhay nila'y pinaglaho

ngingisi-ngisi lang ang mga palalong kuhila 
dahil atas ng uhaw sa dugong boss ay nagawa
dahil maiitim ang buto ng kumakawawa
dahil pinuti yaong buhay ng kanilang kapwa

ah, walang budhi ang rehimen sa kasalukuyan
wala na ngang budhi'y tuwang-tuwa pa sa patayan
sa Black Friday protest, aming ipinapanawagan
katarungan nawa'y kamtin ng mga namatayan

ang sigaw ng sambayanan: panlipunang hustisya!
mamamatay-tao'y dapat lapatan ng parusa!
ang may atas ay dapat nang patalsikin ng masa!
uhaw sa dugong pangulo'y patalsikin ng masa!

- gregoriovbituinjr.