Sabado, Marso 11, 2023

Tinik

TINIK

"Ang lumakad ng marahan, kung matinik ay mababaw. 
Ang lumakad ng matulin, kung matinik ay malalim."
~ salawikaing Pilipino

madalas, kapag tayo'y natinik
wala nang ingat, wala pang imik
nawala ang pagiging matinik
o maging listong kapara'y lintik

sa gubat ay dapat na mamalas
ang kasukalan mong nilalandas
mag-ingat ka sa tinik at ahas
baka may kasamang manghuhudas

tandaan mong doon sa masukal
na gubat, maglakad ng mabagal
at ingatan ding huwag mapigtal
ang tsinelas upang makatagal

dahan-dahan, matinik ang isda
baka bikig ang iyong mapala
may halamang matinik, madagta
tulad ng rosas sa minumutya

sakaling matinik ng malalim
yaong dugo'y agad na ampatin
katawan muna'y pagpahingahin
gamutin agad kung kakayanin

- gregoriovbituinjr.
03.11.2023

Hustisya sa namatay sa hazing


HUSTISYA SA NAMATAY SA HAZING

pagkamatay ng anak mo'y nakagagalit
lalo't mula sa kapatirang nagmalupit
sino silang buhay ng anak mo'y inilit
kapatid sa kapatiran yaong ginilit

di man sinasadya ay may dapat managot
pagkamatay ng anak mo'y nakapopoot
nang mabatid mo ito'y bigla kang nanlambot
anong sala niya't ganoon ang inabot

mababahaw pa ba ang pusong nagnanaknak
dahil sa sugat ng pagkawala ng anak
puso maging ng sampung ama ay nabiyak
ilan na bang sa fraternity napahamak

hanap na anak ay isa na palang bangkay
ginawa sa kanya'y di makataong tunay
mabuti'y may nakonsensya't di mapalagay
dahil naging saksi sa nasabing namatay

sa sakit, parang pinatay din yaong ama
ramdam ng buong pamilya ang pagdurusa
sa maagang pagkawala ng anak nila
nawa'y kamtin nila ang sigaw na: HUSTISYA!

- gregoriovbituinjr.
03.11.2023