Lunes, Hulyo 23, 2012

Mamamayang gutom sa saganang lungsod

MAMAMAYANG GUTOM SA SAGANANG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming pagkain dito sa kalunsuran
lunsod na itong tanda ng kasaganaan
ngunit laganap pa rin itong kagutuman
masa'y sadyang nagdurusa sa karukhaan

sa lungsod tinayo ang maraming pabrika
merong gumagawa ng pagkaing delata
may pabrika ng noodles at mga tsitsirya
pagkaing pangkalamidad ang gawa nila

tila di na uso ang pagkaing sariwa
kinukulong na sa lata ang mga isda
kaya sardinas itong pagkain ng dukha
pamatid-gutom lang, pagkaing pangkawawa

kayraming pagkain dito sa kalunsuran
ngunit bago nyo ito mapakinabangan
kailangang bilhin ito sa pamilihan
salapi, pera, kwarta, piso'y kailangan

lahat sa lungsod, may kapalit na salapi
kung wala ka nito'y walang maiuuwi
sa pamilyang gutom, animo kayo'y sawi
ganyan ang lipunan, may pera'y naghahari

mamamayan ay gutom sa saganang lungsod
katotohanang nakalalambot ng tuhod
mga walang pambili'y laging nakatanghod
sapagkat mga dukhang walang sinasahod