Sabado, Hunyo 11, 2016

Ang timang, mapanlait

ANG TIMANG, MAPANLAIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nananalasa na naman ang timang, mapanlait
lagi-lagi na lang, ugali niya'y magparunggit
tingin yata sa sarili, siya'y napakarikit
akala'y laging tama yaong sinasambit-sambit

timang na mapanlait ba'y bakit nagkaganoon
tila di niya unawa ano ang rebolusyon
pati kawawang masa'y nilalait dito't doon
gayong di siya marikit at mukha namang maton

siya'y timang na may sariling pamantayang angkin
na tinutulak niyang dapat lang naming yapusin
pamantayang elit na huwag mong palalampasin
pag di mo ginawa, aba'y makuha ka sa tingin

isinusuka ng madla ang timang, mapanlait
tila walang pakiramdam ang timang na kaysungit
di na yata magbabago't laging nagpaparunggit
unawain na lang natin, baka siya'y maysakit

Kung sa rali'y ayaw mapiktyuran

kung sa rali'y ayaw mo palang mapiktyuran
aba'y ano't padispley-displey ka pa riyan
dapat handa ka sa rali mong sinamahan
mapiktyuran ka man, ito'y para sa bayan

kung ayaw mapiktyuran, huwag kang sumama
para sa TV't dyaryo'y di ka na makita
ngunit kung napiktyuran at nalathala ka
aba'y huwag kang umangal, simpleng lohika

ayaw mapiktyuran, bakit ka nasa rali
baliw ka pala't patagu-tago kang letse
sa kamera pala'y takot ka nang mahuli
baka sa rebo'y wala ka rin palang silbi

- gregbituinjr.